MANILA, Philippines - Kung naging matagumpay si Juan Manuel Marquez laban kay Manny Pacquiao dahil sa kanyang bagong strength and conditioning coach, ito rin ang inaasahang makakamit ni Brandon ‘Bam Bam’ Rios sa pagkuha kay Alex Ariza.
Kasalukuyan nang ginagabayan ni Ariza, ang dating strength and conditioning mentor ni Pacquiao, si Rios para sa isang two-week trial basis.
“Ariza had not been hired for the whole camp but rather for the trial period to see how everyone gets along,†sabi ni Nancy Rodriguez, ang publicist ng 27-anyos na si Rios.
Nakatakdang maglaban sina Pacquiao (54-5-2, 38 KOs) at Rios (31-1-1, 23 KOs) para sa World Boxing Organization International welterweight title sa Nobyembre 23 sa The Venetian sa Macau, China.
Maliban kay Rios, ginagabayan din ni Ariza si dating featherweight champion Mikey Garcia, ang nakababatang kapatid ni Mexican chief trainer Robert Garcia.
Sinibak nina Pacquiao at trainer Freddie Roach si Ariza dahil sa sinasabing pag-angkin ni Ariza sa trabaho ng iba pang kasama sa Team Pacquiao.
Samantala, maski ang isang world eight-division champion na kagaya ni Manny Pacquiao ay hindi nakaligtas sa mabigat na trapik at pagbaha sa mga kalsada dahil sa malakas na pag-ulan noong Martes.
Pinagkaguluhan si Pacquiao nang sumakay sa Ayala Station ng Metro Rail Transit (MRT) papunta sa Kamuning Station para makadalo sa isang Christian gathering sa Dolphy Theater sa ABS-CBN Compound.
Kagaya ng mga karaniwang mananakay, nasiksik rin si Pacquiao sa loob ng MRT kahit na may nakabantay siyang mga bodyguards sa paligid.