Cuello matagumpay na naidepensa ang korona

MANILA, Philippines -  Matagumpay na nai­pagtanggol ni Denver ‘The Excitement’ Cuello ang kanyang WBC Silver minimumweight title matapos talunin si Mexican challen­ger Ivan Meneses via unanimous decision kahapon sa Auditorio del Bicentenario sa Morelia, Michoacán de Ocampo, Mexico City.

Ginawa ito ng 25-anyos na si Cuello sa kabila ng nalasap na sprained right shoulder injury sa third round.

Napabagsak ni Cuello si Meneses sa first round bago nagkaroon ng injury ang tubong Cabatuan, Iloilo na nakaapekto sa kanyang laban.

Naputukan din ng ulo si Cuello sa fifth round dahil sa aksidenteng banggaan nila ng ulo ni Meneses na nagresulta sa kanyang one-point deduction.

Itinaas ngayon ni Cuello ang kanyang 32-4-6 win-loss-draw ring record kasama ang 21 knockouts kumpara sa 18-11-1 (10 KOs) slate ni Meneses.

Makakaharap ni Cuello ang mananaig sa pagitan nina Xiong Zhao Zong at Ja­vier Martinez na magla­laban para sa lehitimong WBC minimumweight crown sa Oct. 27 sa China.

Sumasakay ngayon sa isang 11-fight winning streak si Cuello, huling na­bigo kay Juan Hernandez sa kanilang WBC minimumweight title eliminator noong Mayo 22, 2010 sa Mexico.

Show comments