2 gold sa Iloilo Arnisador

DUMAGUETE CITY, Philippines - Sinikwat nina Glory Joy Bartonico at Warlie Gumban ng Iloilo ang mga gintong medalya sa arnis competition ng 2012 POC-PSC National Games sa Cosca Gym kahapon dito.

Nagreyna si Bartonico, isang incoming Education-Math sophomore sa Western Visayas College of Science and Techno­logy, sa women’s individual single weapon anyo.

“Hindi ko talaga ine-expect na ako ang mananalo kasi isang araw ko lang pinag-aralan ‘yung routine ko eh,” ani Bartonico na tumalo kina Reignerose Esguerra ng Pasig at Claire Danga-as ng Baguio City para sa gold medal.

Kinuha rin ni Bartonico ang bronze me­dal sa women’s double weapon sa ilalim nina Nina Allona Gae Tabor ng Cagayan de Oro at Dang-as.

Naghari naman si Gumban sa men’s individual double weapon para sa ikalawang ginto ng Iloilo.

Suot naman ang kanyang Igorot costume, ibinulsa ni Elmer Batani, isang education student sa University of Baguio, ang ginto sa men’s single weapon anyo event.

Sa triathlon event sa Sipalay City, inangkin nina national team members Marion Kim Mangrobang at Nikko Brian Huelgas ang gold medal sa women’s at men’s division.

Itinala ng 21-anyos na tubong Sta. Rosa, Laguna na si Mangrobang ang bilis na 2:26:43 para kunin ang gold medal sa women’s triathlon event na may 1.5-kilometer swimming, 40km biking at 10km running.

Tinalo ni Mangrobang, nagreyna sa Mekong Duathlon at sumegunda sa Mekong Triathlon sa Thailand noong 2009, sina Mirasol Abad ng Davao (2:36:17) at Alexandra Ganzon ng Iloilo (2:44:36).

Nagtala naman ang 21-anyos na si Huelgas ng tiyempong 2:03:46 para ta­lunin sina Jonard Saim ng General Santos City (2:17:34) at John Chicano ng Olongapo (2:29:26).

Sa junior category, nagposte si Allen Santiago ng Manila ng oras na 1:08:15 sa 750m swim, 20km bike at 5km run event para kunin ang gold medal.

Sa billiards event sa Convention Center, yumukod si Denise Mendoza kay Flor Andal, 3-7, habang binalingan naman ni Cheska Centeno si Anne Del Mar, 7-3, sa women’s 9-ball.

Show comments