PHL Patriots Giniba ang Slammers

MANILA, Philippines - Handa na ang mga lo­cals ng AirAsia Philippine Pa­triots para tumulong sa kam­panya ng koponan sa semifinals sa 3rd Air­Asia ASEAN Basketball Lea­gue.

Ito ang kanilang ipina­kita nang kunin ng Pat­riots ang 80-74 panalo sa na­patalsik na Chang Thailand Slammers noong Sabado sa Thai-Japan Association Gym sa Bangkok.

Sina Marcy Arellano, Rob Wainwright at Jonathan Fernandez ang mga tu­mayong bida para sa ko­ponang pag-aari nina Mi­kee Romero at Tony Boy Co­juangco nang manalo si­la kahit may iniindang in­jury si Anthony Johnson at na­patalsik sa huling 9:20 ng laro si Nakiea Miller.

“Ang hanap ko lamang sa mga locals ay consistency lalo na nasa playoffs na kami. Sa larong ito ay nag-step up sina Marcy at Rob. Sana ay ganito na lagi ang kanilang ilalaro,” wika ni Patriots coach Glenn Ca­pacio na inani ang 3-0 sweep sa Slammers upang iangat ang karta sa 16-5.

May 11 puntos si Arella­no at 10 rito ay ginawa niya sa first half upang bigyan ang Patriots ng 36-23 kalamangan sa halftime.

Lumobo ito sa 19 puntos, 49-30, sa kalagitnaan ng huling yugto pero nakabangon pa ang Slammers dala na rin ng pagkakatalsik sa laban ni Miller bunga ng magkasunod na technical fouls sa sobrang pagrerek­lamo sa itinawag na foul la­ban sa kanya.

Binigyan ng anim na free­throws ang Slammers at apat ang kanilang naipa­sok upang dumikit sa 59-55.

Pero ito na ang huling hi­rit ng host dahil bumanat ng magkasunod na tres si­na Wainwright at Fernandez upang trangkuhan ang 10-3 palitan at iangat sa 11 ang bentahe, 69-58.

May 11 puntos si Wainwright kasama ang tatlong tres, habang si Johnson pa rin ang bumandera sa kanyang 15 puntos.

Show comments