4th Place sa Smart Gilas

MANILA, Philippines - Nawala ang ipinagmamalaking shooting ng Smart Gilas Pilipinas upang lasapin ang 71-64 kabiguan sa Al Rayyan-Qatar at malagay lamang sa ikaapat na puwesto sa pagtatapos kagabi ng 22nd FIBA Asia Champions Cup sa Philsports Arena sa Pasig City.

May 28 puntos at 17 rebounds si Marcus Douthit habang 10 naman ang ginawa ni JV Casio kasama ang dalawang tres pero ang ibang shooters ay hindi kuminang sa ikalawang sunod na laro para mawalan pa ng medalya ang host team sa kompetisyong nilahukan ng 10 koponan.

“You can’t expect to win with such a percentage,” wika ni Serbian coach ng Gilas Rajko Toroman.

Ang tinutukoy niya ay ang 3 of 24 buslo sa tres tungo sa kabuuang 23 of 65 para sa 35% shooting.

Tinapos naman ng Al Riyadi-Lebanon ang dalawang taong dominasyon ng Mahram-Iran nang kunin ang 91-82 panalo sa one game finals.

Si El Cheikh Fadi El Khatib ay may anim na tres bukod sa 18 of 21 shooting sa free throw line tungo sa 40 puntos upang igiya ang Lebanon sa kanilang ikaapat na kampeonato para saluhan ang Pilipinas at Iran sa paramihan ng gintong medalyang napanalunan sa Champions Cup.

Walang nagawa ang mas maliliit na Philippine team kundi ang magbigay ng 23 kabuuang fouls tungo sa 31 freethrows na kung saan 23 puntos ang kinuha ng Qatar.

Bigo man na manalo ng medalya, ang pang-apat na puwesto ng Gilas ay higit naman sa panglimang puwestong pagtatapos na naibigay ng San Miguel Beer noong 2005 na ginawa rin sa bansa.

Ito naman ang ika-11 sunod na pagkakataon na nakapag-uwi ng medalya ang Al Rayyan na nagkampeon noong 2003 at 2005 at pumangalawa naman sa nagdaang taong kompetisyon na ginanap sa Doha, Qatar.

Inangkin naman ng ASU-Jordan ang ikalimang puwesto sa pamamagitan ng 72-65 panalo sa Al Jala’a-Syria habang ang nanalo naman ang Al Ittihad-Saudi Arabia sa Duhok, Iraq, 104-95, para sa ikapitong puwesto.

Al Rayyan of Qatar 71- Leslie 19, Ngombo 18, Musa 11, Cuffee 9, Saeed 5, Salem 4, Ali 4, Ndour 1, Abdulla 0

 Smart Gilas Pilipinas 64- Douthit 28, Casio 10, Aguilar 8, Lassiter 7, Baracael 5, Barroca 2, Tiu 2, Lutz 2, Taulava 0

Quarterscores: 17-15; 36-33; 50-46; 71-64

Show comments