Prulla, Dimacuta may tiket na sa quarterfinals

MANILA, Philippines - Kapwa humatak ng sorpresang panalo sina Chris Prulla at Mahmod Dimacuta la­ban sa mga paboritong kalaban upang ma­kapasok sa quarterfinals ng boys 12-and-under division ng Philippine Sports Com­mission Metro Age Group Tennis Championships sa Rizal Tennis Center ka­hapon.

Gumawa si Prulla ng solidong baseline game upang dispatsahin ang fifth seed na si Cenonlo Gonzales Jr., 6-4, 6-1, habang hiniya ni Dimacuta ang No. 8 na si Mar Raphael Teng, 6-3, 6-4 upang makaseguro ng puwesto sa round-of-eight ng isang linggong tournament na suportado ng PSC na pinamamahalaan ni Ritchie Garcia.

Makakaharap ni Prulla , tinalo si Enrico Ong, 6-0, 6-0 sa kanyang unang asigna­tura si Norman Gaspar na hindi man lamang pinagpawisan nang manalo ito ng walkover laban sa No. 3 na si Joel Atienza.

Makakatipan naman ni Dimacuta ang mananalo sa pagitan nina No. 4 Vince Sa­las at Mohamad Liham, na kasaluku­yang naglalaban habang sinusulat ang ba­litang ito.

Umusad din ang isa pang mahigpit na paborito--si Julian Dayrit sa susunod na round matapos na itala ang 6-0, 6-1 panalo laban kay Vincent Anida, habang ginapi ni seventh pick Jacob Martin si John Angelo Cerezo, 7-5, 6-1 upang maka-pu­wes­to sa quarters.

Show comments