Tigers umamo sa Tropang Texters

MANILA, Philippines - Bumalik na ang dating porma ni Mac mac Cardona nang pagbidahan nito ang muling pagbangon ng defending champion Talk N Text sa second half tungo sa 103-94 panalo laban sa Coca-Cola sa pag-usad ng PBA Philippine Cup kagabi sa Araneta Coliseum.

Tumapos si Cardona ng 35-puntos, 23 nito sa second half kung saan bumawi ang Tropang Texters matapos malusaw ang kanilang 9-point lead at ibaon pa ng Tigers ng pitong puntos.

Buhat sa 43-50 pagkakabaon sa halftime, muling nakabangon ang Talk NText upang agawin ang kalamangan at hindi na binitiwan pa.

Nakabangon ang Tropang Texters mula sa dalawang sunod na talo at sumulong sa 3-2 win-loss slate kahit na wala ang injured na si Harvey Carey.

Katulong ni Cardona si Jimmy Alapag na tumapos naman ng 21-puntos upnang ipalasap sa Coca-Cola ang ikaapat na talo sa limang laro.

Umiskor si Cardona ng 11-puntos sa ikaapat na quarter kung saan umabante ang Tropang Texters ng 15-puntos, 93-78 matapos ang 8-0 run limang puntos dito kay Cardona, papasok sa huling apat na minuto ng labanan.

Tinapos ng Coca-Cola ang first half sa pamamagitan ng 16-0 run, pito nito mula kay Norman Gonzales upang ibangon ang Tigers mula sa 9-point deficit at kunin ang 50-43 kalamangan sa halftime.

Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang Purefoods(3-2) at San Miguel (4-2) na naghahangad ng ikalimang sunod na panalo.

Show comments