Gomez, kampeon sa Villar Cup Isabela leg

MANILA, Philippines - Tinanghal na kauna-unahang double leg winner ng Manny Villar Cup si Roberto Gomez, nang daigin nito si Warren Kiamco, 11-9 sa final ng Isabela Leg at maghari dito sa dinumog na La Salette High School Gym sa Santiago City, Isabela.

Nakipaglaban si Gomez mula sa 3-6 deficit nang samantalahin nito ang mintis nito sa orange 5 sa ikasiyam na frame. At napagwagian ang apat sa sumunod na limang racks upang makuha ang 8-7 abante. Nalusutan din niya ang sariling fightback ni Kiamco nang walisin nito ang dalawang racks mula sa 9-all count at ibulsa ang korona at halagang P300,000 premyo.

Ang tagumpay ni Gomez, ang 2007 World Pool Championship runner-up, ay tumabon sa kanyang kabiguan kay Francisco ‘Django’ Bustamante sa finals ng Panagbenga leg sa Baguio City noong Pebrero sa island-hopping series na ipiniprisinta ng Senator Manny Villar’s Villards: Tulong sa Pagsulong ng Philippine Sports.

Binuksan ng 30 anyos na si Gomez ang kanyang kampanya sa pamamagitan ng 9-4 panalo kay Alvin Alcantara. Bumangon din ito sa mahinang panimula upang manaig kay Michael Feliciano, 9-6 at Robert Cuna, 9-5.

Sa semifinals, humatak ng 10-6 panalo si Gomez kontra kay Bulacan leg winner at newly-crowned Japan Open champion Ramil Gallego upang magkaroon ng tsansa sa korona sa ikatlong pagkakataon sa serye na co-organized ng BMPAP, itinataguyod ng Camella Communities at may basbas ng Billiards and Snooker Congress of the Philippines.

Naibulsa naman ni Kiamco, ang Alabang leg, ang premyong P120,000.

Show comments