San Beda o Mapua?

Paglalabanan ngayon ng defending champion San Beda College at ng Mapua Institute of Technology ang ikalawa at huling finals berth sa kanilang sudden-death match ngayon sa 84th NCAA seniors basketball tournament sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Naipuwersa ng MIT Cardinals ang do-or-die match na ito matapos ang 53-51 panalo kontra sa Red Lions noong Biyernes.

Mabuti na lamang at may twice-to-beat advantage ang Bedans kaya may pag-asa pa silang bigyang buhay ang pagdedepensa ng titulo.

Ang mananalo sa sagupaang ito ay siyang makakalaban ng finalists ng Jose Rizal University na naghihintay na lamang ng kalaban sa best-of-three championship series.

Nakarating sa finals ang Heavy Bombers sa ikatlong pagkakataon matapos sibakin ang Letran College, 63-61 sa kanilang Final Four match noong Biyernes din. (Mae Balbuena)

Show comments