Laban nina Ang at Javier panonoorin ni PGMA
Sinabi ni Philippine chef de mission Monico Puentevella na ang Pangulo, kasama ang ilang world leaders ay nanood ng marangya at bonggang opening ceremonies kahapon, ay nag-extend ng kanyang pagbisita sa China para lamang panoorin ang unang araw ng kompetisyon kung saan bibinyagan sina shooter Eric Ang at archer Mark Javier.
Ang Pangulo at si First Gentleman Mike Arroyo ay nakatakdang bumalik ng Maynila bukas.
Hindi sumama sina Ang at Javier sa pagmartsa ng Team Philippines sa utos ng kanilang coach upang pagtuunan ng pansin ang kanilang mga events na lalahukan.
Dinalaw naman ni POC president Jose Cojuangco ang dalawang atletang Pinoy upang pabaunan ng ‘goodluck’.
At sa panonood ng Pangulo at ilang opisyal ng pamahalaan, sisimulan ni Ang ang kampanya ng 15-man RP team sa kanyang pagpapaputok ng baril kontra sa mga perpektong shooters ng mundo sa ganap na alas-9 ng umaga sa Beijing Shooting Range para makakuha ng puwesto sa six-man finals ng trap shooting competitions.
Sa Olympic Green Archery Range, magdedebut sa Olympics si Javier sa kanyang pag-asinta sa ganap na alas- 2:30 ng hapon kasama ang 63 pang kalahok na umaasang makakakuha ng malaking iskor sa ranking rounds na dedetermina ng kanilang seeding sa elimination round sa Agosto 15.
- Latest
- Trending


















