Realtors, Williams bumawi

Nabawi ng Sta. Lucia ang pangkalahatang pamumuno matapos ang 101-98 panalo laban sa Alaska sa pag-usad ng eliminations ng Talk N Text PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum kagabi.

Bumawi ang rookie na si Kelly Williams sa kanyang 8-puntos na produksiyon sa 73-92 pagkatalo ng Realtors laban sa Red Bull, sa pagkamada ng 24-puntos at 12 rebounds upang pamunuan ang Sta. Lucia sa ikapitong panalo matapos ang siyam na laro para iwanan sa ikalawang posisyon ang dating katablang Bulls (6-2).

Nagdagdag naman si Norman Gonzales ng 17-puntos at 14 mula kay Alex Cabagnot para sa Sta. Lucia na nagpalasap sa Alaska ng kanilang ikapitong talo sa siyam na laro na nagbaon sa kanila sa ilalim ng team standings.

"We’re happy na nakabawi kami sa huling pagkatalo namin (laban sa Bulls) and nagpick up na uli ang laro ni Kelly (Williams), well rested na siya hindi tulad noong nakaraang laro na hilo pa sa biyahe sa US," ani Sta. Lucia coach Alfrancis Chua patukoy sa pag-uwi ng kanilang rookie sa Amerika noong nakaraang linggo.

Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang magkapatid na kumpanyang Barangay Ginebra at San Miguel Beer para basagin ang kanilang pagtatabla sa 5-3 win-loss slate.

Samantala, dadako naman ang aksiyon ngayon sa Legaspi City kung saan maghaharap ang Red Bull 6-2 at ang Air21 (3-5) sa Albay Astrodome sa alas-5:00 ng hapon. (Mae Balbuena)

Show comments