Far Eastern Insurance taob sa Harbour Centre

Nagpamalas ng agresibong laro ang Harbour Centre upang igupo ang Far Eastern Insurance, 82-80 at makabangon sa kanilang five-game losing streak sa pagpapatuloy ng 2006 PBL Heroes Cup sa Letran gym kahapon.

Hinayaan ng Port Masters na makawala sa kanilang kamay ang 20-puntos na kalamangan ngunit hindi nila pinayagang makawala sa kanila ang tagumpay para sa kanilang pagsulong sa 3-5 record na nag-ahon sa kanila mula sa ilalim ng team standings.

Ito ang kauna-unahang panalo ni George Gallent sa kanyang ikalawang larong pagko-coach sa Port Masters matapos maunsiyami sa Montaña Jewels, 63-69 noong Linggo.

Agad umabante sa 52-32 ang Harbour Centre pagkatapos ng dalawang quarter ngunit nagkaroon ng pagkakataong makahabol ang Insurers.

Isang 12-0 run ang pinakawalan ng Far Eastern Insurance nang kanilang patahimikin ng halos apat na minuto upang agawin ang kalamangan sa 69-68 patungo sa huling anim na minuto ng labanan.

Ngunit hindi na napalawig ng Insurers nang mabilis na nakabalik ang Harbour Centre sa unahan, 74-69.

Humirit pa ang Insurers sa 73-74 mula sa apat na puntos ni Allan Gamboa, ngunit inilayo nina Joseph Yeo at L.A. Tenorio ang Port Masters sa 80-73, 42.8 segundo na lamang.

Tumapos si Tenorio ng 19-puntos upang pamunuan ang Harbour Centre katulong sina rookie Rob Reyes na may 17 puntos at Yeo na may 15-markers upang ipalasap sa Insurers ang ikaanim na kabiguan sa walong laro. (Carmela Ochoa)

Show comments