CCP overall champion sa CUSA

Nakopo ng Central Colleges of the Philippines ang overall champion sa Colleges and Universities Sports Association (CUSA) sa pagtatapos ng siyam na events.

Humakot ang CCP athletes ng 97 puntos nang kanilang higitan ang University of Assumption of Pampanga na nakuntento lamang sa runner-up.

Nasungkit ng Pampangueños ang men’s basketball titles at men’s table tennis plum na naghatid sa kanila ng 88 puntos.

Angat naman ang UAP bets ng apat na puntos sa Philippine Maritime Institute na siyang winningest school sa liga nang kanilang makuha ang women’s basketball, men’s volleyball at women’s volleyball.

Nakalikom ang PMI ng 84 puntos, habang nalampasan naman ng Mariners ang Technological Institute of the Philippines na may 78 puntos matapos na ibulsa ang korona sa men’s badminton.

Nabigo naman ang Trinity College na muling maipadama ang kanilang supremidad sa exhibition event na men’s swimming ng tumapos lamang ito ng ikalimang puwesto sa kanilang 68 puntos.

Show comments