Magliquian nakuntento na lang sa silver medal

BANGKOK-Nakuntento lamang sa iisang silver ang Team Philippines nang yumukod si Juanito Magliquian sa kalabang si Suban Phannoan ng Thailand noong Sabado ng gabi sa pagtiklop ng 24th King’s Cup International Amateur Boxing Championships dito.

Si Magliquian, kasalukuyang Southeast Asian Games pinweight champion, na kumakampanya sa mas mabigat na light flyweight class sa event na ito, ay dumanas ng 20-2 kabiguan mula sa Thai na nasa kanyang kauna-unahang national appearance matapos na dumanas ng injury sa tuhod sa nakaraang Sydney Olympics noong nakaraang taon.

Ang kabiguang ito ay lubhang napakasakit para sa seven-man RP squad, na ipinadala rito ng Pacific Asphalt Mix, Pacific Heights at ng Philippine Sports Commission bilang training ng national pool para sa kanilang preparasyon sa nalalapit na Southeast Asian Games, makaraang talunin ni Magliquian ang isa pang Thai pug para lamang makarating sa finals.

Hindi makapaniwala si head coach Orlando Tacuyan sa kinalabasan ng resulta ng laban ni Magliquian matapos na makita ang iskor at sinabi nitong "talo nga, pero hindi naman ganyan kagarapal dapat ang lamang."

Ang panalo ni Phannoan ang ikapitong gintong naibulsa ng host country sa event na ito na kanilang inorganisa mula sa pinaglabang 12.

Show comments