Lyceum umeskapo sa Arellano sa semis
MANILA, Philippines — Arangkada sa susunod na phase ang Lyceum of the Philippines matapos silang akayin ni Jaja Tulang sa 25-17, 24-26, 25-20, 25-19 panalo kontra sa Arellano University sa first stepladder semifinals ng NCAA Season 99 women’s volleyball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Nahirang na Best Player of the Game si Tulang matapos ilista ang 23 points mula sa 16 attacks, limang blocks at dalawang service aces para sa Lyceum.
Tabla sa tig-isang set ang dalawang koponan sa unang dalawang frames, nakuha muna ng Lady Pirates ang madaling panalo sa first set, 25-17, bago bumawi ang Lady Chiefs sa second set, 24-26.
Nasaksihan ng mga volleyball fans ang tikas ng Lyceum sa third frame matapos lumamang ng anim na puntos, 14-8, naidikit ng Arellano ang iskor, 17-16, pero nanatili ang tikas ng Intramuros-based squad para makalamang ng isang set, 2-1.
Ganado ang Lady Pirates sa fourth frame at sinikwat ang 6-1 kalamangan kaya kahit nakadikit ang Lady Chiefs ay umungos pa rin ang una para tuluyang payukuin ang huli.
May tsansa sanang makahirit ng deciding fifth set ang Arellano matapos nilang ibaba sa isang puntos ang hinahabol, 14-15, pero hindi nila nakayanan ang lakas ng Lyceum.
Nag-ambag sina Johna Denise Dolorito, Bio Heart at Joan Doguna ng 17, 8 at 7 markers, ayon sa pagkakahilera, para sa Lady Pirates.
Susunod na makakalaban ng Lyceum ang No. 2 Letran sa second stepladder sa Miyerkules.
Kung sino ang manalo sa pagitan ng Lady Pirates at Lady Knights ay kakalabanin ang two-time defending champions St. Benilde Lady Blazers sa best-of-three title series.
- Latest