Seeds... ni Zaijian, may nilabag daw sa MMFF

Nagsimula nang umingay itong 52nd Metro Manila Film Festival (MMFF).
Pinag-usapan na ang isang entry na nakapasok, itong bio-documentary film ng Claretian missionaries na Seeds of Peace na pinagbidahan ni Zaijian Jaranilla at dinirek ni Rommel Galapia Ruiz.
Nakuwestiyon ang naturang entry dahil may nilabag daw ito sa rules ng MMFF.
Ang producer ng bawat entry ay may pinirmahang affidavit of undertaking na may nakapaloob na 13 salient points, kabilang ang requirement ng festival’s premiere.
May ilang items na na-question sa naturang pelikula. Na-raise na ito kahapon at nakarating na sa producer.
Sabi naman ng spokesperson ng MMFF na si Noel Ferrer, idadaan daw ito sa due process. “This matter has come to the attention of the MMFF. Due process will be observed, and the producers of Seeds of Peace will be afforded the opportunity to respond. The MMFF Rules Committee will ensure due process is upheld.”
Nakaka-chat ko ang director na si Direk Rommel Galapia Ruiz at halatang hindi sila sanay sa ganitong isyu, lalo na’t mga pari ang involved dito. “Sino ba naman kami. Hirap na hirap nga po kami tapusin dahil walang budget,” bahagi ng text ni Direk Rommel.
Hinihintay na lang nila ang kung ano ang magiging resulta ng imbestigasyon at maglalabas naman daw sila ng statement kaugnay rito.
May mga nagtanong nga kung bakit itong mga pelikulang ito ang napili sa finished films.
Siyam na pelikula lang kasi ang isinumite, at hindi rin daw alam ng chairman ng Executive Committee na si Atty. Don Artes kung ano ang naging basehan ng screening committee sa napiling apat na pelikula.
“Alam n’yo hindi po ako nag-participate diyan e,” pakli ni Atty. Artes.
“Nung nag-deliberate sila, nung nagsimula, bumati lang po ako then lumabas na po ako. Dahil ayoko pong magkaroon ng kulay na ako ay nag-exert ng influence sa pagpili ng pelikula.
“Hindi na rin kasi dini-discuss sa Execom after, ‘yung mga pelikula. We don’t even announce sa Execom kung ano ‘yung apat na napili. ‘Yun nga iniiwasan namin ‘yung leak e. So, hindi namin napapag-usapan.
“In fact ako, first time ko nakita ‘yung mga trailers—although ako kasi ‘yung pumirma ng certificate na official entry sila.
“Pero nakita ko lang ‘yung certificate. Pero wala akong idea dun sa mga pelikula. Kumbaga hindi ko alam. Although may criteria kasi kami. ‘Yung reason behind kung bakit itong mga pelikulang ito ang napili, wala po akong idea,” dagdag niyang pahayag.
May laban sa takilya ‘yung unang apat na napili base sa script. Pero itong sa huling apat na finished films, mukhang ang A Perfect Marriage lang nina Kim Chiu at Paulo Avelino ang lalaban sa box-office.
Sabi naman ni Chairman Atty. Don Artes, may mga ginawa sila ngayon na sa tingin nila ay makakatulong sa magandang box-office records ng filmfest. “This time, we’re hoping to improve nga. May mga bago tayong formula. In terms of promotion. Like meron tayong host city outside of Metro Manila, which is Bacolod City. And second siguro ‘yung pagbaba ng presyo ng sine. Naglagay po tayo ng P299 sa buong Pilipinas. Not more than…so baka meron pang mas mababa.
“We’re hoping that instead na mahal ay mas marami ang makapanood. Lalo na ang pamilya.”
Tingnan natin at kung ano ang magiging kahihinatnan ng Seeds of Peace ni Zaijian Jaranilla at kapalaran ng entries sa MMFF 2026.
Vandolph, parang si Dolphy na!
Ang isa sa ikinatuwa ng fans na nakapanood sa Pinoy adaptation na Pee Mak nina Bea Binene at Wilbert Ross ay ang partisipasyon ng frontman ng sikat na bandang Cup of Joe na si Gian Bernardino.
Si Gian ang isa sa nakakaaliw sa grupo nina Wilbert, Vandolph, TJ Valderrama at Jairus Aquino. Siya nga dun ang nakakaawa sa pelikula na laging nababatukan, hinuhulog sa bangka at kung anu-ano pang kabaliwang ginagawa nila.
Pero may timing si Gian sa pagpapatawa, kaya nga special mention talaga siya ni Bea Binene na dapat daw palakpakan sa masaya niyang performance sa naturang pelikula.
Sabi ni Gian, na-enjoy rin daw niya ang pag-arte at tuluy-tuloy na raw ang pag-aartista niya. “Opo. Tuluy-tuloy pa rin po,” napangiti niyang pakli.
Ang laking tulong din sa pelikula ang kanta ng Cup of Joe na Multo at meron pa siyang ginawang kanta kasama si Wilbert para sa pelikulang ‘yun.
“‘Yung sinulat po namin ni Wilbert na OST ‘yung Handa Akong Subukan, saka ‘yung song po naming Multo,” sambit nito.
Na-enjoy raw niya ang comedy. Kaya sana masundan pa raw ito. “It’s been a dream come true. Kaya, I’m hoping for more projects po siyempre,” sabi pa nito.
Nakakaaliw rin sa pelikulang ito si Vandolph na kapansin-pansin na parang tatay niyang si Dolphy ang style ng pagpapatawa.
Nandun nga si Alma Moreno na natuwa rin sa pelikula, at agree siyang parang si Dolphy ang anak nila rito. “Actually, may ano siya, hawig sa tatay niya talaga,” bulalas ni Alma.
“Pero ang ganda! Ang ganda ng movie. Sobrang nakakatawa at saka ‘yung about love ‘yung pa-ending,” tugon nito.
Malaking bagay raw ang galing magpatawa ng buong cast. “Oo. Kaya ‘pag lima sila ‘di ba? Ang galing! Pati ‘yung timing nila. Ang ganda na-guide sila ng arte nila. Tawa ako nang tawa,” sabi pa ni Alma.
Kaya hiningan namin ng reaksyon dito si Vandolph. “Alam n’yo naman po ever since, I work with my Dad. Pero in my own way. I cannot be Dolphy. Tatay ko lang. Pero proud ako na nakikita sa akin ng Nanay ko ‘yun. So, just continue his legacy in my own way. “Proud ako na masaya sila.”
- Latest





















