^

PSN Opinyon

Inisnab ang PrimeWater sa SJDM

ORA MISMO - Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

PUMUTOK na ang galit ng Pamahalaang Lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan laban sa PrimeWater Infrastructure Corp. Matapos ang sunud-sunod na reklamo ng mga residente tungkol sa problema sa suplay ng tubig, idineklara ng Sangguniang Panlungsod na ‘unwelcome’ o hindi na kanais-nais ang kumpanya sa lungsod.

Ayon sa resolusyong ipinasa ng konseho, napakaraming naging kapalpakan sa serbisyo ng PrimeWater. Kabilang dito ang umano’y kapabayaan sa pagpapatakbo at hindi maayos na pag-aalaga sa sistema ng tubig. Dahil dito, paulit-ulit umanong nawawalan ng tubig ang maraming lugar at lalo pang nasira ang mahahalagang pasilidad ng water system.

Giit ng konseho, hindi lang ito simpleng abala. Maaari rin umano itong magdulot ng panganib sa kalusugan, kaligtasan at kapakanan ng mga taga-San Jose del Monte.

Hindi rin pinalampas ng mga konsehal ang umano’y hindi pakikipagtulungan ng PrimeWater sa lokal na pamahalaan. Ayon sa kanila, ilang ulit na umanong hindi pinansin ng kumpanya ang mga liham, imbestigasyon at panawagan ng lungsod para ayusin ang problema sa tubig.

Dahil dito, hinimok ng Sangguniang Panlungsod ang Department of Health (DOH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Local Water Utilities Admi­nistration (LWUA), National Water Resources Board (NWRB), Department of Justice (DOJ), at Office of the Ombudsman na ipagpatuloy ang kanilang imbestigasyon at magpataw ng kaukulang parusa kung mapapatunayang may paglabag.

Habang inaayos ang sitwasyon, pansamantalang kinuha ng pamahalaang lungsod ang Metro Pacific Water bilang tagapagbigay ng serbisyo ng tubig sa loob ng dalawang buwan.

Bakit galit ang maraming taga-SJDM sa PrimeWater?

Batay sa inilabas na resolusyon ng lungsod, ito ang mga pangunahing dahilan madalas at matagal na pagkawala ng suplay ng tubig. Umano’y kapabayaan sa operasyon at maintenance ng water system. Pagkasira ng mahahalagang pasilidad ng tubig. Umano’y hindi pakikipagtulungan at hindi pagtugon sa mga kahilingan ng lokal na pamahalaan.

Disclaimer: Ang ulat na ito ay batay sa opisyal na resolusyon ng Sangguniang Panlungsod ng San Jose del Monte at sa mga pahayag ng lokal na pamahalaan. Ang mga alegasyon laban sa PrimeWater ay bahagi ng mga reklamong iniimbestigahan pa ng mga kinauukulang ahensya at hindi pa pinal na hatol ng korte.

SAN JOSE DEL MONTE

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with