EDITORYAL – Balasahan sa Gabinete
Muling nagkaroon ng pagbabago sa Gabinete ni President Ferdinand Marcos Jr.
Bumalik si Vince Dizon sa Department of Transportation (DOTr), habang si Giovanni “Banoy” Lopez naman ang itinalagang mamuno sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon sa Malacañang, layunin ng pagpapalit na mapabilis ang mga reporma at mapagaan ang serbisyo ng gobyerno.
Malaki ang trabahong naghihintay sa dalawang ahensiya.
Sa DOTr, inaasahang tututukan ni Dizon ang problema sa araw-araw na commute, mahahabang pila sa Land Transportation Office, mga fixer at mga naantalang mass transport projects.
Sa DPWH naman, inaasahang ipagpapatuloy ni Lopez ang mga reporma laban sa korapsiyon at sisiguraduhing matatapos ang mga nakatenggang infrastructure projects. Nayanig ang DPWH sa mga anomalya sa flood control projects na hanggang ngayon ay patuloy pang iniimbestigahan. Marami pang indibidwal ang pinaghahanap kaugnay sa anomalya gaya ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.
Sa balasahan sa Gabinete, dito makikita ang isang mahalagang punto: hindi dapat nakasalalay sa isang secretary lamang ang pagbabago sa isang ahensiya.
Sinabi ng Malacañang na tungkulin ni Lopez na gawing permanente ang mga nasimulang reporma sa DPWH sa pamamagitan ng mas malinaw na rules, processes at systems. Ito ang dapat maging tunay na sukatan ng reshuffle. Kung aalis ang isang opisyal at kasabay nitong mawawala ang transparency measures, anti-corruption safeguards o mga programang sinimulan niya, mahina ang sistema. Ang magandang reporma ay dapat nagpapatuloy kahit magpalit ang nakaupo.
Ganito rin sa ibang departamento.
Sa mga nakaraang buwan, nagkaroon din ng pagbabago sa pamunuan ng DICT, Presidential Communications Office, Department of Health at Department of Budget and Management.
Natural lamang na magpalit ng tao ang isang administrasyon. Pero sa huli, hindi pangalan ng bagong secretary ang pinakamahalaga sa publiko.
Ang tunay na saysay ng Cabinet reshuffle ay makikita sa resulta: mas naging maayos ba ang serbisyo, nawala ba ang korapsiyon, bumilis ba ang mga proyekto at mas gumagaan ba ang araw-araw na buhay ng mamamayan?
Kung walang nagbabago sa sistema, palit-pangalan lamang ang reshuffle.
- Latest















