PCSO, hindi umuurong sa pagtulong!

ALISTO ang mga ahensiya ng gobyerno ni President­ Bongbong Marcos sa pagpamahagi ng ayuda sa mga Pinoy na nasalanta ng bagyong Egay at hindi naman nag­pahuli si Philippine Charity Sweekstakes Office General­ Ma­nager Mel Robles. Habang binabayo ni Egay ang northern Luzon, hindi naman inalintana ito ni Robles, at kasama si kosang Arnold “Bong” Arriola, ay sinagasa ang baha para magpamudmod ng ayuda sa evacuation centers sa Ilocos Sur at Kalinga. Mismooooo! Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan, di ba mga kosa? Eh di wow!

Namigay ng ayuda na food packs, bottled water at mga gamot sina Robles at Arriola sa mga apektadong pamilya na pansamantalang nasa evacuation center sa Bgy. San Julian Norte, Vigan. Si Robles at kanyang exe­cutive assistant na si Arriola, ay nag-turnover din ng relief goods para sa iba pang lugar sa Vigan. Tinanggap ito nina Gov. Jerry Singson, Vice Gov. Ryan Singson, Vigan Mayor Jose Singson, at Vice Mayor Randolf Singson. Abayyyyy, puro kamag-anak ni idol Chavit Singson ang mga pulitiko sa Ilocos Sur ah. Hehehe! Wala na bang lumaban sa kanila?

Hindi lang ‘yan, ang mga opisina ng PCSO sa La Union, Ilocos Norte at Kalinga ay kanya-kanya ring nagbigay ng ayuda sa kanilang nasasakupan. Pinangunahan ito nina PCSO Ilocos Norte/La Union Branch Manager Lalaine Martos, Ilocos Sur Branch Manager Elizabeth Posadas, at Kalinga Branch Manager Heherson Pambid. Mabuhay kayo mga kosa! Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?

Nitong nagdaang linggo, tumama si Egay sa northern­ Luzon at halos 500,000 mga Pinoy ang inilikas sa evacuation centers, lalo na sa Ilocos Region at Kalinga. Iniutos kaagad ni BBM ang pagresponde ng mga ahensiya ng gobyerno at ang PCSO ang isa sa mga tumugon. Na-mobilize kaagad ni Robles ang mga PCSO branch offices at mga STL authorized agents para magbigay ayuda sa mga naapektuhan ni Egay. Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!

Kung sabagay, kasama sa mandato ng PCSO ang magbigay tulong, hindi lang sa maysakit, kundi sa biktima ng bagyo at kung ano pang kalamidad. Siyempre, palaging kasama sa pagkilos ng PCSO ang mga local government units (LGUs), para mapabilis at masigurado ang pagbigay ng ayuda. Mismooooo! Ano pa nga ba?

Kaya naman nagpursigi si Robles na pangunahan ang pagmumudmod ng relief goods sa Ilocos Sur at Kalinga bilang selebrasyon sa 1st year in office niya. Sa liderato niya, nais ni Robles na isulong paitaas ang serbisyo publiko ng PCSO. Tumpak!

Lumayas na sina Egay at Falcon sa Pinas subalit, ayon sa Pag-asa may parating pang 11 bagyo sa taon na ito. Hehehe! Kaya tiyak magiging abala na naman sina Robles at Arriola sa darating na mga araw dahil ang PCSO ay hindi umuurong sa pagtulong. Mismooooo!

Abangan!

Show comments