Vietnam tinapatan na ang China

Hindi lang pala China ang nagtatayo ng artificial island sa West Philippine Sea kundi pati ang Vietnam, isang bansang­ maliit pa sa atin. Tulad ng China, Pilipinas at Taiwan­ mayroon ding claim o pag-angkin ang Vietnam sa bahagi ng West Phi­lippine Sea. Ang tapang ng Vietnam!

Hindi magandang senyales ito ngunit sasaluduhan mo ang isang small nation like Vietnam na bumabangga sa isang higante’ng halimaw gaya ng China. Ayon sa report­, ang planong pagtayuan ng artifical islands ng Vietnam ay ang mga dakong itinuturing na bahagi ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas gaya ng Hizon Reef, Pigeon Reef at Mas­cardo Reef.

Kumuha na raw ng isang private contractor ang Vietnam para sa pagsusulong ng mapangahas na proyekto sa pagtatayo ng permanent structure sa pinagtatalunang teritoryo. Tingnan natin kung ano ang magiging reaksyon­ ng China kapag itinuloy ang proyektong ito ng Vietnam. Tila ang laro ng maraming bansa ngayon ay militarisasyon. Nakakatakot dahil parang pinaghahandaan ang isang nag­babadyang digmaang pandaigdig.

Tayong mga Pilipino nga binubuli at itinataboy kapag nangingisda tayo sa Spratlies, ano pa kaya ang gagawin ng China kung may nagtatayo ng mga artipisyal na isla? Kapag nakalusot  ang Vietnam sa plano nito, aba hindi pala dapat ismolin ito dahil hindi pinigilan ng China.

Ang nakakainis, nang magsimulang magtayo ng artificial island ang China sa Spratlies, ang lupang ginamit ay hinakot mula sa pinatag na bundok sa Zambales. Parang adding insult to injury. Kaya siguro kinakaya-kaya tayo ng China ay dahil kahit ano ang hingin sa atin ay ibinibigay ng gobyerno lalo na noong panahon ni Presidente Duterte.

Nauna nang sinabi ni Presidente Bongbong Marcos na kahit isang pulgada ng ating teritoryo ay hindi natin isusuko kanino mang dayuhang bansa.  Dapat lang talaga na magtanod maigi ang Armed Forces of the Philippines sa West Philippine Sea para mapangalagaan ang ating sovereignty laban sa mga dayuhang nais manakop ng ating teritoryo.

Show comments