Prayoridad pa rin
Imbes na maglatag ng dinurog na dolomite sa baybayin ng Manila Bay, dapat ginastusan na lang ang rehabilitasyon ng mga bakawan o mangroves. Ito ang pahayag ng UP Institute of Biology sa kanilang nais na tumulong sa rehabilitasyon ng Manila Bay, pero sa pamamagitan ng agham at hindi pagpapaganda lamang.
Ang paglatag ng dolomite ay walang naitulong sa planong ayusin ang mga problema ng Manila Bay, ayon sa grupo. Hindi rin daw totoo na walang pangmatagalang masamang epekto ang paglatag ng dolomite sa kalikasan.
Siguradong hindi na makikinig ang DENR sa anumang grupo o tao na magbibigay ng pangontra o batikos sa nasabing “dolomite beach”. Ang mahalaga lamang sa kanila ay aprubado ni Pangulong Duterte ang proyekto. Umaabot sa P389 milyon ang halaga ng proyekto kung saan dinurog na dolomite mula Cebu ang nilalatag sa Manila Bay.
Pero ang huling balita noong nakaraang buwan, sinuspende ni DENR Sec. Roy Cimatu ang dalawang kompanyang nagmimina ng dolomite dahil sa umano’y peligro ng kanilang operasyon sa kalikasan partikular sa mga bahura. Iimbestigahan daw muna ang mga alegasyon.
Naunang naglabas din si Cebu Gov. Gwendolyn Garcia ng utos na ipatigil ang operasyon ng dalawang kompanya dahil hindi raw awtorisado ang mga ito.
Sa kasalukuyang nagaganap na gulo sa liderato ng Mababang Kapulungan, ang pagpasa ng budget para sa darating na taon ang tila naaantala dahil hindi pa raw tapos ang mga deliberasyon.
Kasama sa budget na iyan ang malaking pondo para laban kontra COVID-19 at lahat ng may kaugnayan dito. Kaya minamadali na ni Duterte mismo ang Kamara para ipasa. Mahirap namang intindihin na magsasalita ang Palasyo na kailangan nang ipasa ang bagong budget para magamit ang nakalaang budget panlaban sa pandemya, kung may ginastos nga na milyun-milyon para sa pagpapaganda lamang ng baybayin ng Manila Bay.
Maganda nga ang malalakaran mo, pero ano naman ang amoy ng Manila Bay? Kung puti nga ang buhangin diyan, handa ka na bang lumangoy? Mahirap talagang intindihin ang prayoridad.
- Latest