^

PSN Opinyon

Tao ang gatong

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

KAPAG nasusunog ang gubat, ang kailangang gawin ng bumbero ay lumikha ng lugar kung saan hindi na makaka­tuloy ang pagliliyab. Pinuputol ang puno, inaalis ang mga patay na sanga at tuyong dahon sa lupa, o kaya ay nag­huhukay ng kanal para hindi na makagapang ang apoy. Sa madaling salita, inaalisan ng gatong.

 Ganyan din ang paliwanag sa pagpigil ng pagkalat ng COVID-19. Tao ang gatong. Kung walang paggagatungan ang COVID-19, walang pagkalat. Ito ang dahilan ng enhanced community quarantine at kung bakit mahigpit na ipinatutupad ng gobyerno ang manatili na muna sa kanya-kanyang taha­nan kung hindi naman importanteng lumabas.

Ayon sa impormasyon tungkol sa COVID-19, ang pama­maraan ng paghawa nito ay kapag may nahawaan na’t umubo o bumahing at nataon ay nahinga mo ang virus, im­peksyon na. Kung wala masyadong tao na puwedeng lipatan ng virus, kusang maglalaho ito.  

 Ayon kay Nobel Laureate at Biophysicist Michael Levitt, batay sa mga nakikita niyang bilang ng kaso partikular sa China, titigil ang pagkalat ng virus. Ayon sa kanyang mga kalkulasyon, inabot na ng China ang pinakamataas na bilang, kaya pababa na. Ito naman ay kung ipapalawig ang lockdown nila ng ilang linggo pa muna.

Sa website ng World Health Organization (WHO) nakalista ang bilang ng mga positibong kaso ng bawat bansa. Kapansin-pansin na ang matataas na bilang ay sa mga bansa sa Europe. Ito na nga ang itinalaga ng WHO na epicenter ng COVID-19, hindi na sa China.  Pero China pa rin ang numero uno sa bilang ng mga may virus. 

Siguro ito ay dahil magkakadikit ang mga bansa sa Europe, at maraming turista. Kung may mga nakabiyahe ng China sa kasagsagan ng impeksyon maaring nadala na rin sa kani-kanilang bansa. Dagdag pa ni Levitt, ang kultura ng mga Italyano ay mahilig sa pagtitipon at pisikal na batian, kaya mabilis kumalat ang virus doon. Iran at South Korea lang ang mga bansang hindi kabilang sa Europe na may mataas na bilang ng kaso.

Kapansin-pansin na ang katabing Iraq ay 154 lang ang kaso. Ang India na malaki ang populasyon ay 137 lang ang kaso. Mga bansang nasa pinakamababa sa listahan ay mga bansa sa Africa. Hindi dahil mainit na siyang pinaniniwalaan ng iba kundi mas konti ang mga turista. Ganundin sa mga maliliit na bansa na madalang lang ang turismo. Ang Bangladesh ay 3 lang ang kaso ayon sa WHO.

Ang mga bansa sa Asya ang nasa baba ng listahan. Halos pare-pareho ang dami ng nahawahan. Japan lang ang may mataas na bilang dahil na rin sa dami ng turista. Ang Russia na nagsara kaagad ng kanilang borders, ay nasa 93 kaso lang. Dapat talaga ay ipinagbawal kaagad ang mga pumapasok sa bansa galing China, Hong Kong at Macau. Pero ang katayuan ng gobyerno noon ay baka magkaroon ng pulitikal na epekto sa relasyon sa China. Kayo na ang humusga. 

Itong darating na dalawang linggo ang kritikal sa bansa. Kung dadami ng apat o limang beses ang pagdami ng positibong kaso tulad ng nangyari sa mga bansa sa Europe, seryoso ang sitwasyon. Maraming matatanda sa ating­ populasyon. Sila ang malalagay nang husto sa peligro. Nga­yong pinalawig na ang quarantine, sana magtulungan tayo at sundan na muna ang mga alituntunin ng gobyerno.

Huwag na munang lumabas. Hindi ito panahon ng pagbakasyon. Mapait na gamot, pero kailangang inumin. Pero sana nga ay tama ang basa ni Michael Levitt na bumabagal na ang pagkalat ng virus. Kapag lumipas ang isang buwan at hindi naman umabot sa libu-libo ang bilang, baka mas maluwag na tayong makakahinga. Naka-face mask muna pa rin, siyempre. Malinaw naman siguro ang punto rito: Tao ang malamang na dahilan, tao ang gatong, tao rin ang solusyon.

vuukle comment

COVID-19

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with