PhilHealth vs PHAP
MAY gusot ang PhilHealth at ang Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP) na kung hindi mapaplantsa ay magdurusa ang mga mamamayang naghuhulog para sa kanilang medical benefits.
Inaakusahan ng PHAP ang PhilHealth na hindi ito nakapagbabayad ng bilyun-bilyong pisong pagkakautang kaya malamang putulin na ng mga pribadong pagamutan ang pagiging kasapi sa ahensyang paseguruhan. Kapag nangyari yan, saan tatakbo ang mga mahihirap na nagkakasakit?
Pero mariing pinabulaanan naman ng PhilHealth ang akusasyong ito. Anang PhilHealth, mahigit sa P212 bilyon ang nabayaran nito sa mga pribadong ospital sapul pa noong 2014. Sino ang nagsasabi ng totoo?
Wala tayong kinakampihan sa mga nag-aalitang sektor pero nababahala ang lahat sa kahihinatnan ng bangayang ito. Binibigyan kasi ng PHAP ng isambuwan ang PhilHealth para mabayaran ang malaking pagkakautang na umano’y mahigit sa P6 na bilyon at kung hindi, aatras na ang mga pagamutan sa pagiging kasapi ng ahensya. Suma-total, mawawalan ng saysay ang naihulog na kontribusyon ng mga mamamayang umaasa sa PhilHealth. Nakakalungkot ito.
Inaasahan pa namang mapagtitibay na anumang oras ang Universal Health Care bill na kapag naging ganap na batas ay magbibigay ng libreng medical care sa bawat mamamayang Pilipino. Kung magpapatuloy ang ganyang bangayan ng PhilHealth at ng mga private hospitals, paano maipatutupad ang batas?
Kung matuloy man ang pagpapataw ng mas malaking buwis sa mga bisyo tulad ng sigarilyo at alak, magkaroon man ng pondo ay nandidiyan ang tanong: Mapapangasiwaan ba ito ng tama? Hindi kaya maibulsa lamang ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan?
- Latest