Mabuting kaalyado
IPINAHAYAG kamakailan ni Pres. Rodrigo Duterte na hindi dahil nakalikha ang China ng mga artipisyal na isla ay sa kanila na ang karagatan. Binatikos din niya ang maanghang na pagbabala sa mga piloto ng Pilipinas na umalis na kundi may kahihinatnan. Alam naman daw ng China na hindi aatake ang Pilipinas, at kung magkaibigan naman, bakit kailangan pa ng maaanghang na pagtaboy sa mga piloto?
Halos kasabay din nito ang pahayag ni Randall Schriver, Assistant Secretary of Defense for Asian and Pacific Security Affairs, na magiging “mabuting kaalyado” ang US, kung sakaling lusubin ng China ang mga islang hawak ng Pilipinas, tulad ng Pag-asa Island. Ito yata ang unang pagkakataon na nagpahayag ng suporta ang US sa bansa, kung sakaling magkaroon ng gulo sa South China Sea. Patuloy ang pagpatrulya ng US warships doon. Kailan lang ay may lumipad na P-8A Poseidon sa lugar ng mga artipisyal na isla ng China. Anim na beses silang nakatanggap ng babala mula sa China. Pati ang UK ay nagpadala na rin ng mga barkong pandigma sa karagatan, para siguraduhing malaya ang paglayag. Tiyak na makatatangap sila ng babala mula sa China, kapag lumayag malapit sa mga isla.
Tama nga naman na kung kaibigan ang isang bansa, bakit kailangan ng maanghang na babala o pagtaboy? Wala naman kakayanan ang bansa na atakehin ang China. Nagpapatrulya rin lang tayo sa mga isla na hawak na natin. Mahirap ang ginagawa ng China sa kanilang patuloy na pagbabala. Sila ang naninindak, kaya lumalabas na sila ang handang kumilos-militar. Iba na ang teknolohiya ngayon. Baka isang pindot lang ay puwede nang magpabagsak ng eroplano, o lumubog ng barko. Kaya kailangan nang itigil ng China ang pagbigay ng babala o pagtaboy ng mga eroplano at barko. Kung mapayapa lang ang paglipad o paglayag ng mga barko, bakit kailangan pang itaboy? Bakit kailangan pang manindak? Ito ang dahilan kung bakit kailangan na ng Code of Conduct on the South China Sea, para walang maganap na “miscalculation”.
- Latest