Unang tao sa Luzon 700,000 taon noon
MULA nu’ng dekada-1960 tinanghal ang Tabon Caves sa Palawan na Lunduyan ng Kabihasnan sa kapuluang Pilipinas. Ipinalagay na 50,000-90,000 taon noon ay tinirhan ang 215 yungib ng sinaunang tao. Sa pinag-aralang 29 na yungib, may ebidensiya na nangangaso sila; gumagamit ng bato, kahoy, at tali; nagti-tribu; at naglilibing ng patay.
Nitong Mayo ibinunyag ng mga mananaliksik ang tao sa Kalinga na 10 beses ang tanda, mga 631,000-777,000 taon na. Pangunahing katibayan ng sibilisasyon ang kinatay na rhinoceros at ang tools -- matatalas na bato -- sa pagkatay nito. Inalam ang edad ng buto at bato sa pamamagitan ng carbon dating, ng French Museum of Natural History, na namumuno sa saliksik.
Dalawang uri ng pagkatay ang lumitaw sa pagsusuri. Una, ang paghiwalay ng buto sa laman gamit ang panghiwang bato. Ikalawa ang pagdikdik ng buto para makuha ang masustansiya -- at malasang -- bulalo. Extinct na ang species na Rhinoceros philippinensis. Ang tao na nakatira sa hilagang Luzon 700,000 na ang lumipas ay kumakain din ng usa, bayawak, pagong sa tabang, at stegodon, mammal na katulad ng elepante pero kasinlaki ng mammoth.
Walang buong kalansay na natagpuan sa hukay sa Kalinga. Pero merong buong buto ng sakong sa paa. Lumalabas na ang sinaunang tao na ito ay nakatayo nang tuwid sa dalawang paa. Hindi ito hukot at gumagamit ng kamay panlakad, tulad ng orangutan, gorilya, at chimpanzee.
Ang teorya dati ay dumating ang mga tao sa Mindanao, Visayas, at Luzon mula sa mga isla na ngayo’y Indonesia. Pero dahil sa bagong tuklas, lumalabas na sabay namayani ang tao sa Kalinga at Java.
Saan kaya siya galing? Isang palagay ay nagbuhat siya mula sa mainland Asia, kung saan naglipana ang homo erectus, o ancient man. Maari rin na umusbong siya nang sarili mula sa apes sa Luzon.
- Latest