‘Kapag may usok, may sunog’
HABANG papalapit ang barangay elections, mas umiinit ang girian at bakbakan sa posisyon. Kanya-kanyang pakulo at paraan upang mapansin lang ng mga ka-barangay. ‘Yung iba, mabubulaklak na salita ang ginagamit na paraan. Habang may ilan naman na gustong idaan sa santong paspasan ang botohan. Kung di ka aabutan ng sobreng may kuwarta, tatakutin ka pa! Kaya si Juan at Juana, walang magawa kundi sumunod sa gusto nila.
Reklamong inilapit sa amin ng mga taga-Gapan, Nueva Ecija, hindi naiiba sa ganitong istorya. Pero imbes na mga kandidato ang mambraso, si Mayor ang nananakot sa mga tao!
Kuwento ng mga residente, isa-isa raw ipinatawag ni Mayor Emerson Pascual ang mga kumakandidato bilang kapitan ng barangay. Hindi para bigyan ng payo, kundi para paatrasin sa pagtakbo ang mga ito. Sabi ni Mayor, ‘wag na raw silang magsayang ng pagod at panahon na tumakbo. Dahil kahit anong gawin nila, hindi sila uubra sa mga bata niya. Tinamaan ng lintik! Di pa man nag-uumpisa ang eleksyon, may ipinanalo na si Mayor!
Dagdag ng mga nagrereklamo, kinatatakutan din daw si Mayor sa lugar nila. Bukod kasi sa maangas at matapang, kilala rin itong nagpapaligpit ng mga tumutuligsa sa kanya.
Sa programa kong Bitag Live, inimbitahan ko si Mayor na bumaba ng Maynila at magpaliwanag. Kung talagang wala siyang kasalanan, harapin niya ang mga isyung ipinupukol sa kanya. Kinabukasan, tinawagan namin si Mayor para makuha ang kanyang panig. Paglilinaw ni Mayor, walang katotohanan ang lahat ng isyu na ibinibintang sa kanya. Di raw niya ipinatawag ang mga kandidato isa-isa at lalong hindi niya tinakot ang mga ito. Unfiltered din niyang pinabulaanan ang bali-balita na nagpapatumba siya ng tao. Aniya, malaki ang takot niya sa Diyos at hindi niya magagawa iyon.
Sa totoo lang, wala naman ako sa posisyon na mambintang at mag-akusa sa isang tao, pulitiko man o simpleng mamamayan. But as a public servant, trabaho ko ang pakinggan ang mga reklamong ipinaabot sa akin.
Linawin ko lang mga boss, magkaiba ang nakikinig sa naniniwala. Iba ang pamantayan namin sa Bitag, malalim kami kung mag-imbestiga at di kami basta-basta naniniwala. Bago kami humusga, inaalam namin ang pahayag ng magkabilang panig.
Pero sa oras na mapatunayan naming may katarantaduhan kayong ginagawa, ako mismo ang haharap sa inyo. Ewan ko lang kung di kayo maihi sa mga lawlaw ninyong karsunsilyo. Sabi nga ng mga matatanda, kapag may usok, may sunog.
Tulad ng palagi kong sinasabi, gaano man kanipis hatiin ang isang kuwadradong keso lalabas at lalabas ang dalawang banda. Nasa inyo na ang desisyon kung anong banda ang paniniwalaan ninyo.
- Latest