^

PSN Opinyon

“Batang pag-ibig”

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

ANG PAGIGING BATA ay hindi dahilan parati.

May hangganan yan dahil hindi lahat ng bagay na gawin mo ay pwedeng kalimutan na lang.

“Buntis na siya kaya wala na akong magawa. Ang problema hindi ko alam kung legal ba ang naging kasal namin,” sabi ni Jay.

Taong 1997 nang ikasal si Jay Silvestre sa isang labing pitong taong gulang. Pinilit daw siya ng pamilya nito dahil buntis na ito at kailangan niyang panagutan. Lisensyadong abogado umano ang nagkasal sa kanila.

Halos tatlong buwan lang silang nagsama sa iisang bahay. Madalas kasi silang mag-away at dumarating pa sa puntong nagbubugbugan na kaya napagpasyahan nilang maghiwalay na lang muna.

Kahit anong gawin nilang ayos sa kanilang pagsasama nauuwi sa pag-aaway ito at hindi na raw sila nagkakaintindihan.

“Bumibisita na lang siya sa bahay nun kasama ang anak namin. Lalaki ang panganay namin. Kahit na kasal na kami hindi pa rin pabor ang kanyang pamilya sa ‘min,” pahayag ni Jay.

Sa patuloy nilang pagkikita umabot ng tatlo ang kanilang anak. Pero giit niya hindi niya raw naramdaman sa dalawa niyang anak ang sinasabi nilang lukso ng dugo.

“Yung pangalawa kong anak na isang babae dun ko lang nasabi na anak ko siya at galing talaga sa ‘kin. Hanggang ngayon yun ang binibigyan ko ng sustento,” kwento ni Jay.

Maraming problema ang dumaan sa kanila na sumira sa kanilang relasyon para tuluyan nang maghiwalay.

Isa na dito ay nung makulong ang kanyang naging asawa dahil nahuli sa isang ‘pot session’.

“Nung nangyari yun dun ko na napagpasyahan na itigil na ang pakikipagkita sa kanya. Itinuloy ko na lang ang pagsusustento sa anak kong babae,” pahayag ni Jay.

Hindi pabor ang kapatid ng kanyang asawa na makita niya ang anak kaya nag-iiwan na lang siya ng pera sa bahay ng kanyang kapatid at dun na lang kinukuha ng anak.

Ilang taon ang nakalipas na ganun ang kanilang sitwasyon. Nagkaroon na sila ng kanya-kanyang buhay. May nakarelasyon ang kanyang asawa at ganun din naman si Jay.

“Menor de edad siya nang ikasal kami kaya’t inakala kong walang bisa ang kasal namin. Tinuloy ko ang pagsusuporta sa anak ko at paminsan-minsan ay nagkikita kami,” ayon kay Jay.

Nag-uusap lang daw sila sa text para sa kanilang anak pero hindi na nagkikita pa.

Huli silang magkaharap nang mamatay ang ama ni Jay. Duma­law sa burol ang kanyang pinakasalan kasama ang anak niyang babae.

Nagkaharap pa sila ng bago niyang kinakasama. Nagkaroon na siya ng dalawang bagong anak at tanggap naman ng kanyang anak na may iba na siyang pamilya.

“Alam ng kinakasama ko na may tatlo na akong anak sa kanya. Nabanggit ko na sa kanya ang buong kwento kung bakit kami nagkahiwalay,” salaysay ni Jay.

Ipinaliwanag na rin niya sa anak ang kanilang sitwasyon at tanggap naman daw nito ang kanyang kalagayan.

Hindi naman daw lihim sa kanyang anak kung ano ang naging ugali at bisyo noon ng kanyang ina.

Sa ngayon magsasampung taon na silang nagsasama ng bago niyang pamilya. Gusto na sana niya itong pakasalan kaya’t sinubukan niyang kumuha ng kopya ng CENOMAR.

“Mula nang ikasal kami wala akong kopya ng marriage contract namin. Inisip ko na dahil menor de edad siyang nang ipakasal sa ‘kin baka hindi legal ang seremonyang yun,” wika ni Jay.

Balak niya nang pakasalan ang kanyang kinakasama pero gusto niyang maisaayos muna ang gusot sa kanyang buhay.

Nang makita niya ang CENOMAR niya nakalagay dun na kinasal siya nung 1997.

Sinusubukan niya ring kumuha ng kopya ng marriage contract upang masiguro kung nakatala ba ang kanyang naging kasal.

Sa ngayon naguguluhan pa rin si Jay kung talaga bang may bisa ang kanilang kasal o wala.

Wala naman daw siyang alam na mapagtatanungan kaya’t sa amin siya humingi ng tulong.

“Sana mapayuhan niyo po ako. Kung may bisa ito anong pwede kong gawin para mapakasalan ko ang kinakasama ko ngayon,” sabi ni Jay.

Nangangamba rin si Jay kung sakaling may bisa ang kanyang kasal sapagkat hindi alam ng pamilya ng kanyang kinakasama ang kwento niya.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang kasal ay pinahahalagahan dahil ito ang unang hakbang na itatali ka sa isang tao na makakasama mo habang buhay.

Alam nating maigi na may edad tayong sinusunod bago ipakasal ang ating mga anak.

Hindi ibig sabihin na nagbuntis ito ay ipapakasal na natin kaagad para lang mapanagutan at maiiwas tayo sa mga tsismis.

Ayon sa ‘family code’ ang edad na bente uno pababa ay kinakailangan ng ‘parental consent’ mula sa ina, ama o legal guardian kapag kayo-kayo lang hindi ito maaari.

Kapag nasa bente uno pataas naman ay ‘parental advise’ na lang ang kailangan.

Ang ibig sabihin nito ipinaalam mo sa magulang subalit hindi pumayag. Kaya’t maaari pa rin kayo magpakasal,

Wala ring bisa ang kasal kung sakaling ang nagsagawa ng seremonya ay hindi naman lisensiyado na mamahala ng isang kasal.

Wala rin siyang kopya ng marriage contract nila kaya’t mas mabuting kumuha muna si Jay sa Philippine Statistics Authority (PSA).

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema. Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7104038

vuukle comment

ACIRC

ALIGN

ANAK

ANG

HINDI

JAY

KANYANG

LEFT

QUOT

STRONG

WALA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with