Emosyon

PUNUMPUNO ng emosyon ang mga nakaraang araw! Away dito, away doon, banta rito, banta roon, kalokohan dito, kalokohan doon at suspensyon dito, suspensyon doon. Huwag nating kalimutan ang demandahan dito, demandahan doon! May mga nagmungkahi nga na may kinalaman ang tinatawag na “supermoon” kung saan ang buwan ay nasa posisyon na pinaka-malapit sa mundo, kaya maraming utak ang naapektuhan nito! Sa totoo lang, baka nga may kinalaman ‘yung buwan. Eh kung ang gravity ng buwan ang dahilan ng pagtaas at pagbaba ng tubig sa dagat, ano pa kaya ang epekto nito sa utak!

Mga tao tayong lahat na may emosyon. Kailangan natin ang emosyon, para maging balanse ang pagkatao, para makatulong sa paggawa ng mga tamang desisyon. Pero may babala ang pagkakaroon ng emosyon. Kapag hindi nabantayan at pinabayaang lumiyab, siguradong may masasaktan, pisikal o emosyonal. Napaka­raming halimbawa ng mga nasira ang buhay, dahil hindi binan­tayan ang emosyon at pinabayaang mangibabaw at maghari sa kanila. Lalo na ang emosyon na galit. Ma­tinding galit. Yung galit kung saan “nandidilim na ang paningin mo”. Hindi ka naman nabubulag, kundi tila hindi ka na makapag-isip nang mabuti kaya nagiging blanko ang utak, at emosyon na lang ang namayagpag.

Kung makikita lang natin ang mga mangyayari matapos nating magalit o magbitaw ng mga hindi magagandang salita, tiyak hindi na natin iyon itutuloy. Ito malamang ang sinasabi ng mga nasuspindi o nakasuhan ngayon. Kung hindi na lang sana sila nagsalita… May mga iba diyan, dahil lamang sa init ng ulo para sa mga mabababaw na dahilan, nakapatay pa ng tao. Nang mahuli at makulong, ano kaya ang iniisip nila? Kung hindi lang sana sila nagalit at bumunot ng baril… maayos pa sana mga buhay nila!

Malakas na emosyon ang galit. Kapag nakawala sa iyo, tiyak pagsisisihan mo.

Kaya matutong i-kontrol ang emosyon. Lalo na kung malaki ang puwedeng mawala sa iyo!

Show comments