Sino ang tunay na nakakaawa?

KAWAWA naman itong si Chief Justice Renato C. Corona at handa raw siya mawala ang lahat sa laban niya sa impeachment case niya. 

Hirit pa ng mga abogado niya ay inaapi raw ang punong mahistrado at dinadaan sa trial by publicity. 

Ang mga alagad at kakampi naman niya lalo na itong si Sir Senyor Don Jose Miguel Pidal Arroyo ay lantarang sinabi sa telebisyon na nakakaawa naman daw sila dahil sila ay dinidikdik at sinisiraan lamang ng kasalukuyang administrasyon. 

Gusto palabasin ni Corona na siya ay api, gusto niyang maawa sa kanya ang sambayanan at bakit sa paraang ito ay maantig ang puso ng sambayanan at mapuwersa ang mga senador judges na kaawaan din siya at maghusga na wala siyang sala. 

Ang hindi sinasabi ng kampo ni Corona at ni Madam Senyora Donya Gloria ay sino ba ang tunay na kawawa. 

Ang tunay na kawawa at inaapi ay ang ordinaryong mamamayan na dahil sa hirap ay hindi makakuha ng hustisya. Mga ordinaryong Pilipino na walang bahay sa United States of America ang mga anak. 

Mga mamamayang walang ari-arian kahit isa hindi kagaya ng mga Corona na ilan ang condo at malaki pa ang nakukuhang discount. 

Kaawa-awa rin ang mga nabubulok sa bilangguan dahil sa krimeng simple gaya ng snatching dahil kailangan ng pambili ng gamot at pagkain dahil hindi makakuha ng mga abogadong de kampanilya gaya ng retiradong  Justice. 

Aping-api rin ang mga Pinoy na kababayan natin na ang ATM card ay sinasangla hindi kagaya ni Corona na ayaw ilabas ang ilang foreign current accout at iba pang mga bank accounts sa iba’t ibang banko hindi lang dito sa atin kung hindi sa ibang bansa. 

Ang mamamayang ni-loko at patuloy na niloloko nila Corona, Macapagal at Arroyo ang tunay na nakakaawa.

* * *

Para sa anumang re­aksyon o suhestiyon text  e mail sa nixonkua@ymail.com  

Show comments