KUNG ang pagkaubos ng mga punongkahoy ang pangunahing dahilan ng climate change, ikonsidera natin ito:
Halos dalawa-katao ang namamatay sa buong mundo kada segundo. Kung makakagawian natin na tamnan ng punong kahoy ang libingan ng ating yumao imbes na magtayo ng marangyang musoleo, ganyan din ang dami ng punong uusbong na katumbas ng 6,461 bawat oras. Mga punong-kahoy na bakasakaling sumagip sa daigdig sa pagkawasak dahil ang mga punong ito ang humihigop sa mapaminsalang gas na nagdudulot ng pinsala sa klima. Bawat Pinoy ay maging maingat din sa pagtatapon ng basura para hindi mabarhan ang mga daluyan ng tubig na nagiging sanhi ng mala-delubyong baha.
Ilang beses na tayong dumanas ng mga teribleng bagyo kagaya ng Ondoy dalawang taon na ang nakalilipas at ang magkasunod na bagyong Pedring at Quiel kamakailan. Mala-dagat na baha ang idinulot ng mga ito bukod pa sa sobrang lakas ng hangin na nagwasak ng mga ari-arian at buhay. Ayon kay Environment Secretary Ramon Paje, sobrang init na ang panahon kaya mas malaki ang volume ng tubig ang nag-e-evaporate sa kaulapan. Kung noong araw ay isang basong tubig lang ang pumapanhik sa kaulapan, ngayo’y “isang drum” na ani Paje.
Sabi naman ni Science and Technology Undersecretary Graciano Yumol, iyan na ang magiging “normal” na kalagayan ng mga kalamidad sa bansa na inaasahang sasahol pa hanggang sa pagdating ng taong 2020. Sa panahong ito aniya, ang tagtuyot ay magiging sobrang tuyo at ang tag-ulan naman ay magdudulot na labis na volume ng tubig sa ating bansa.
Madalas sisihin ang walang patumanggang pamumutol ng kahoy sa mga kabundukan at ang pagtatapon ng ba sura ng mga tao lakip ang pagdumi ng karagatan at hangin na sinasabing dahilan ng climate change. Masyadong komplikado ang problema na dulot ng industriyalisasyon. Kung titigil sa operasyon ang mga pabrikang nagbubuga ng masamang usok at kemikal gayundin ang transportasyon, ang katumbas naman nito’y gutom dahil hihinto sa pag-inog ang ekonomiya.
Palagay ko’y matagal nang dapat nagawan ng remedyo ang problemang ito ng bawat Pilipino. Pero naging pabaya tayo at mapang-abuso sa kapaligiran.