Ganito na ba ang labanan?

IBA na rin ang pamamaraan ng mga pari at obispo kapag RH Bill na ang pinag-uusapan. Sa Baguio, nabalita ang pagbatikos ng isang pari sa mga mananampalataya na wala na ring saysay ang pagsimba kung sinusuportahan ang RH Bill. May mga nadismaya kaya lumabas na lang ng simbahan. Ngayon, tinatawag na mga terorista ang mga sumusuporta sa RH Bill ng isang obispo sa Cebu. Wala na raw pinagkaiba sa mga terorista ang mga taga-suporta ng mainit na panukalang-batas. Marami raw kasing inosente ang puwedeng mamamatay dahil sa batas. Ganun na ang labanan ngayon. Bansagan na.

Sa aking pagkakaalam, wala naman sa RH Bill na nagsasabi na pumatay ng mga inosente. Wala rin naman sa batas na nagsasabi ukol sa pagpapalaglag ng sanggol. Pero dahil may katayuan ang simbahan laban sa artipisyal na pamamaraan ng pagplano ng pamilya, hindi talaga magkakasundo ang mga pabor at kontra sa RH Bill. At nakikita natin ang resulta nito. Nauuwi sa banta at bansagan. Masyado naman yata ang pagbansag na tero­rista ang mga taga-suporta ng panukalang batas. Alam ba ng simbahan ang ginagawa ng mga tunay na terorista?

Makapangyarihan at maimpluwensiya ang simbahang Katolika. Pero sa isyu ng RH Bill, mukhang sila ang dehado. Nalalagay sa posisyon na sila ang nasa depensa, imbis na sila ang umaatake. May mga ibang pananampalataya na nga na sumosuporta sa RH Bill, kaya tila nag-iisa na ang simbahan. Kaya siguro nauuwi na sa hindi magandang pananalita. Pero ang huling gusto o kailangan ng simbahan ngayon ay mawalan ng mga miyembro. Kung magpapatuloy ang ganitong klaseng pamamaraan sa debate ng RH Bill, baka marami na rin ang tabangan. Bumabagay lang naman sa panahon at sitwasyon ang lahat ng bagay. Kasama na rin ang simbahan diyan.

Lumalaki ang populasyon, partikular sa mga mahihirap na pamilya. Marami na rin ang nagkaka-AIDS at kung ano pang sakit ng pagtatalik. Bumabata na rin ang mga pumapasok sa pisikal na relasyon. Kailangan kumilos at gabayan lahat iyan. At sa totoo lang, hindi kaya ng simbahan lang. Kailangan ng tulong ng lahat. Kaya sana, imbis na magbangayan na nauuwi na sa hindi magandang bansagan, magtulungan na lang para masolusyunan ang mga lumalaking problema.

Show comments