Magpinsang Bobby at Boy ginagamit si P-Noy

GINIGISA ng magpinsang Bobby Aquino at Boy Aquino ang pangalan ni President Noynoy Aquino sa kanilang jueteng operations sa Baguio City. Ipinangangalandakan nina Bobby at Boy na pinsan nila si P-Noy. Hindi makakibo ang Cordillera police sa jueteng operations ng dalawa. Subalit marami ang nagsasabing walang relasyon ang magpinsan kay P-Noy. Ginagamit lang ng dalawang gambling lords si P-Noy para hindi sila malintikan sa mga tauhan ni Chief Supt. Bummy Bumanlag, hepe ng Cordillera police. Matiwasay ang jueteng operations nina Bobby at Boy dahil hindi pa sila nabibisto.

Wala kadala-dala si Baguio City Mayor Mauricio Domogan. Matapos mapangalanan na jueteng lord sa Senate hearing eh pinayagan pa ang pasugalan nina Bobby at Boy. Ano ba talaga ang role mo sa jueteng Mayor Domogan?

Sinibak nina Bobby at Boy ang dating tagapamahala nila ng jueteng na si Dante Alvarez. Ang pumalit ay sina Tony Boy na taga-Iloilo City at alyas Bobbi na taga-Makati City. Si Teddy Sapitula, na nasa bakuran ni Perry Mariano, naman ang tagaayos ng intelihensiya. Pero ayon sa mga suki ko, sina Tony Boy, Bobbi at Sapitula ay marami nang nagantsong financier ng jueteng. Kaya dapat mag-ingat ang magpinsang gambling lords dahil napaligiran sila ng mga matakaw sa pitsa.

Hindi lang si P-Noy ang ginigisa nina Bobby at Boy dahil pati na ang mga constituents ni Domogan. Dinadaya ng magpinsan ang kanilang jueteng, dahil sa boca o text na lang ang numerong nananalo. ‘Ika nga wala na ang bolahan ng winning combinations ng jueteng.

Kung sabagay, hindi lang sa Baguio namumutakti ang jueteng kundi maging sa Benguet, Abra at Bontoc, Mt. Province. Imposibleng walang alam dito si Bumanlag at local officials tulad ni Benguet Gov. Nestor Fongwan. O nagmamaang-maangan lang sila? Abangan!

Show comments