'Namamagang daliri'
Dr. Elicaño, magandang araw po sa iyo. Lagi kong sinusubaybayan ang column mo kapag Linggo dahil marami akong nalalaman.
Gusto ko lang pong itanong ang tungkol sa namamagang daliri ng aking anak na lalaki (bunso). Siya po ay anim na taong gulang na at nag-aaral na. Dumaing po siya na masakit ang daliri at nakita kong namamaga. Ang kutob ko lang po nabangga ang kanyang daliri kaya namaga at masakit. Pero nang sumunod ay nakita ko po na namamaga na naman at masakit daw sabi ng aking bunso. Pero nawawala rin naman kaagad. Sinubukan kong dalhin sa albularyo. Sabi ay nakatuwaan ng duwende. Tinawas po ang anak ko.
Ano po kaya ang dahilan nito, Doktor?
—Cora Malapote, Marikina City
Batay sa sinabi mong sintomas, may rheumatoid arthritis ang anak mo. Ito rin ay tinatawag na Still’s disease. Namamagang daliri at masakit na kasu-kasuan ang apektado at ang mga bata na may edad 2 at 5 taong gulang ang apektado. Ang sintomas ay dahan-dahan ang paglitaw at maaari rin namang biglaan.
Nagsisimula ang sakit sa daliri at saka kakalat sa iba pang joints gaya ng pulso, siko, tuhod, alak-alakan at bukung-bukong. Makararanas ng lagnat, skin rash, pamamaga ng mga mata, pag-increase ng white blood cells at enlargement ng spleen at iba pang glands at maaaring magka-stiff neck. Maaari ring maapektuhan ang paglaki ng bata kapag naapektuhan ang spine.
Ang treatment ay ang lubusang pagpapahinga at ang paggamit ng mga gamot gaya ng aspirin, at iba pang non-steroidal anti-inflammatory agents. Maaaring iprescribed ang Gold salts.
Mayroong pasyente na hindi na umulit ang sintomas su-balit mayroon din naman na umulit makaraan ang ilang taon.
- Latest
- Trending














