Special session: Winners at losers
Ngayong araw, gaganapin ang special session ng lehislatura na ipinatawag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Layunin umano nito na pabilisin ang pagpasa ng mga emergency measures na agarang tutugon sa kasalukuyang energy crisis at sa pinsalang dulot ng lindol sa Mindanao.
Plano rin ng special session na tapusin ang mga nakabinbing panukalang batas at aksyunan ang mga pending appointments sa gabinete, militar, at foreign service.
Bagama’t hindi binabanggit, isa rin sa layunin ng special session ay tapusin ang sigalot sa Senado sa pagpili ng bagong Senate President, matapos patalsikin ng bloke ni Senate Pro Tempore at Acting Senate President Sherwin Gatchalian si Alan Peter Cayetano bilang lider ng Senado.
Kaliwa’t kanan ang mga tsismis na may ilan pang senador na susunod sa yapak ni Chiz Escudero at didistansiya, o tuluyang kakalas, kay Cayetano. Tila mga dagang nais tumalon sa isang lumulubog na barko.
Kapag nangyari ito, si Gatchalian na ang sunod na Senate President at pupulutin sa kangkungan si Cayetano.
Lalong umugong ang mga usap-usapan nang maglabas ng video message si accused plunderer Joel Villanueva. Dadalo raw siya sa special session at gagawin ang nararapat alinsunod sa Konstitusyon. Naks! Hero ‘yan?
Anuman ang maging pinal na balasahan sa Senado, tuloy lang dapat ang mamamayan sa pag-usig sa lahat ng sangkot na mambabatas sa malawakang pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Patuloy ding dapat bantayan ang pag-usad ng impeachment trial ni twice-impeached Vice President Sara Duterte, na maliwanag na nakikinabang sa krisis sa Senado. Bawat araw na nakabinbin ang impeachment court ay puntos para kay Sara.
Itong dalawang isyu na ito, kasama ang kanilang mga regular na tungkulin, ang mga pangunahing dapat tugunan ng bagong Senate leadership.
Sa dulo, dapat ang mamamayan at ang ating mga demokratikong institusyon ang maging tunay na winners sa lahat ng ito.
At sino naman ang biggest loser sa special session? Walang iba kundi si Cayetano, ang Senate President, sa sarili niyang hibang na mundo.
- Latest




















