^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Special session

Pilipino Star Ngayon

HABANG binibilang ng mga senador ang ka­nilang mga kakampi kung sila ba ay aabot sa 12, 13, o 16, may mas mahahalagang bilang na nakakaligtaan sa labas ng kanilang bulwa­gan: hindi bababa sa 65 ang patay, 36 ang na­wawala, at mahigit 1,000 ang sugatan sa pinsalang dulot ng magnitude 7.8 na lindol sa Min­danao noong Hunyo 8. Ang katotohanang kinailangan pa ng Proclamation No. 1318 ng Malacañang para lamang pabalikin sa loob ng bulwagan ang mga mambabatas ay malinaw sa kung nasaan ang prayoridad ng Senado ngayon.

Ang special session na magsisimula nga­yong araw na ito ay hindi lamang usapin ng pagpasa ng mga nakabinbing batas, ito ay isang moral ultimatum sa isang institusyong nalu­lu­nod sa sarili nitong ingay.

Mula nang magbago ang ihip ng hangin sa liderato noong Mayo, ang Senado ay tila naging eksena ng isang teleserye dahil sa kanilang drama at awayan sa halip maging isang silid-paspasan ng mga polisiya. Ang pagtatalo sa pagitan ng kampo nina Alan Peter Cayetano at Acting Senate President Sherwin Gatchalian ay nagpakita ng isang depekto sa ating kultura ng pulitika: na ang kapangyarihan ay mas mahalaga kaysa sa paggana ng institusyon. Ang pagdalo ni Senador Joel Villanueva na magtitiyak ng quorum (ang ika-13 boto) ay isang hakbang patungo sa istabilisasyon, ngunit ang kato­tohanang kailangan pang ipagdiwang ang ginampanan ng isang mambabatas sa kanyang pangunahing tungkulin ay nagpapakita kung gaano kababa ang pamantayan natin ngayon.

Higit pa sa krisis sa Mindanao, ang paralisis na ito ay may direktang epekto sa pamban­sang seguridad at burukrasya. Ang mga pro­mosyon ng mga heneral sa militar at ang pag­tatalaga ng diplomats ay nananatiling naka­bitin sa Commission on Appointments dahil walang permanenteng liderato na magpapatakbo nito. Idagdag pa rito ang pitong buwang kawalan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na patuloy na tumatanggap ng suweldo mula sa kaban ng bayan habang nagtatago sa batas. Ang paggawa ng batas ay isang obligasyon; hindi ito part-time job na maaring iwasan kapag mainit ang sitwasyon ngunit patuloy na pina­kikinabangan ang mga pribilehiyo.

Ang mahabang listahan ng mga prayoridad ng administrasyong Marcos, mula sa reporma sa edukasyon hanggang sa Anti-Political Dynasty Law, ay patunay na hindi natutulog ang mga suliranin ng bansa kapag ang Kongreso ay nag­papasya na mag-break. Ang mga mamamayan ay hindi nagbabayad ng buwis para pondohan ang isang bangayan ng mga mambabatas. Ang mensahe ng special session ay simple at walang paliguy-ligoy: itabi ang mga personal na ambisyon, harapin ang krisis, at gawin ang trabahong sinusuwelduhan ng taumbayan.

LAW

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with