Muling pagkabuhay

“ARAW ngayon ng Maykapal, magalak tayo’t magdiwang”. Si Apostol Pedro ang nagpatunay sa muling pagkabuhay ni Hesukristo. Ipinagkaloob ng Diyos ang Espiritu Santo at kapangyarihan sapagka’t Siya ang hinirang, ipinako Siya sa krus at muling nabuhay sa ikatlong araw. Sinasabi ni Pablo na isipin natin tuwina ang mga bagay na panglangit at hindi lamang panlupa sapagka’t muli tayong binuhay ni Hesukristo. Ngayon ay naduun na si Hesukristo sa kanan ng Diyos.

Kapansin-pansin na ang kapistahang ito ng muling pagkabuhay ni Hesukristo sa mga bansang may four seasons. Kaugnay ng mga Kristiyano sa mga bansang yaon ang lubusang pagdiriwang sapagka’t ito ang panahon ng pagtatapos ng winter at sasapit ang spring kung saan makikita ang panibagong buhay ng mga halaman sa kapaligiran at maririnig ang huni ng mga ibong nagliliparan.

Maging ang mga kristiyano roon ay lubusan ang kani­lang pagdiriwang. Lahat ay nagpupuri kay Hesukristo sa Kanyang muling pagkabuhay. Mga bulaklak sa kanilang altar ay pawang mga puti ang kulay. Napakasaya nila at sama-sama silang nagdiriwang.

Madilim pa ng Linggo ay pumunta na sa libingan sina Maria Magdalena, Pedro at alagad na mahal ni Hesu­kristo. Hindi nila makita ang bangkay ni Hesukristo. Ang natagpuan nila roon ayon kay Lukas ay dalawang lalaking nakasisilaw ang damit at sinabi sa kanila: “Wala siya rito, siya’y muling nabuhay”. “Resurexit, non est hic”.

Namatay at inilibing si Hesukristo ng Biyernes, bakit sa   araw pa ng Linggo pumunta sina Pedro sa libingan? Ang Sabado ang dakilang araw ng mga Hudyo ayon sa utos ng Diyos. Kaya hindi sila puwedeng pumunta sa libingan, magtrabaho o gumawa ng anumang bagay. Kaya madaling-araw pa ng Linggo sila nagtungo sa libingan. Doon ang nakita lamang nila ay ang ka-yong lino at ang panyong ibinalot sa ulo. Nakatiklop at maayos na nakalagay sa isang tabi.

Ang araw na ito nang muling pagkabuhay ang tagumpay ng misyon ni He­­sukristo para sa ating mananampalataya sa Kanya. Nagtagumpay Siya sa Kanyang pangangaral, pagpapagaling, pagkaawa, pag-ibig, pagpapakasakit at pagkamatay sa krus. Iniligtas Niya tayo sa kaparusahan ng apoy. Kaya naman tayo ay lubusang magpakabuti at magpatawad sa ating kapwa.

Kataka-taka ang ating bansa na ang Pasko ng Pag­silang ang lubusang ipinagdiriwang. Kaya naman parang hindi na lumaki si Hesukristo sa ating pananampalataya. Hindi na tayo lumaki at umunlad sa iba’t ibang aspeto ng ating buhay. Happy Easter!

Gawa 10:34-43; Salmo 117; Col3:1-4 at Jn20:1-9

Show comments