PATULOY kaming nagbibigay ng babala at nananawagan, patuloy na ginagamit ang aming pangalan kaya’t masigasig ang aming kampanya sa mga panahon na ito sa mga poncio pilatong sumasakay sa aming pangalan.
Huwebes ng hapon, a-9 ng Hulyo nang napasugod ang grupo ng BITAG sa Baliwag Police Station sa Bulacan matapos kaming makatanggap ng tawag mula sa isang kaibigang pulis.
Isa raw lalaki ang gumagamit ng pangalan ng BITAG, nangongolekta ng pera kapalit ng isang sertipiko na magbibigay proteksiyon sa anumang traffic rules and regulations.
Napag-alaman naming BITAG news ang nasa likod ng ganitong modus at nationwide pa ang kanilang operasyon.
Ang impormasyon, kasalukuyang nakakulong raw ito sa nabanggit na police station kaya doon ito tinungo ng aming grupo upang makaharap.
Subalit hindi na namin ito nakita ng BITAG sa Baliuag Police Station ang suspek, na-irelease na raw ito dahil wala nang nagrereklamo.
Dala ang mga impormasyon sa suspek at mga dokumento mula sa estasyon ng pulis, tinunton ng BITAG ang kinaroroonan ng napangalanang suspek na si Delfin Salonga Sevilla.
Hindi namin ito nadatnan sa kaniyang bahay subalit suwerteng namataan namin ito sa kalsada. Bagama’t naawa ang BITAG sa estado ng pamumuhay nito nang puntahan namin ang kaniyang bahay, umiral pa rin ang misyon naming turuan ito ng leksiyon.
Iginigiit nitong BITAG na diyaryo daw siya kasapi at ang kanilang tanggapan ay sa Fairview. Nakapag-imbestiga na kami bago pa man namin harapin si Salonga dahil ang kanyang tinutukoy na tanggapan ay sarado na at patay na ang pinuno.
Nais linawin ng BITAG na hindi namin kinikilala ang diyaryong may pangalang BITAG News, tanging kolum sa Pilipino Star at diyaryong Pang-Masa mababasa ang mga lathala ng BITAG.
Wala kaming kabahagi sa BITAG na naka-assign kuno sa iba’t-ibang lalawi- gan at iisa lamang ang aming tanggapan na siyang matatagpuan sa bahagi ng Quezon City.
Babala ito sa mga patu-loy na gumagamit ng aming pangalan, ipinapakita ng BITAG na oras na gamitin at dungisan ang aming pangalan, kahit saang lupalop man kayo naroon, tutugisin at tutuldukan namin ang kalokohan niyo.
Nananawagan kami sa lahat ng aming taga-subaybay, ipagbigay alam sa aming tanggapan ang sinumang makakita o makakilala sa mga impostor na BITAG.
Malinis ang aming layu-nin sa larangan ng serbisyo publiko, ayaw naming ginagamit ang aming pangala sa kani-kaniyang raket at pansariling interes.
Hindi namin ito papayagang madungisan at masira ng mga putok sa buho lamang.