Mag-a-appoint ng Pinoy si Obama

MARAMING Pilipino-American ang nagdiwang at naki­pagsaya makaraang manalo si Barack Obama. Nagkaroon ng kantahan at sayawan para ipagdiwang ang tagumpay ni Obama.

Pero kahit maraming Pinoy supporter si Obama, marami rin ang tumulong sa pangangampanya ng ka­labang si John McCain.

Patunay lamang na talagang hati ang mga Pinoy sa pagsuporta kina Obama at McCain. Maraming mata­tanda ang sumuporta kay McCain samantala ang mga kabataan ay kay Obama. Sa kabuuan, mas maraming Pil-Am sa California ang aktibo sa pulitika noong nakara­ang election. Mas maraming bumoto rito kay Obama. Dito rin naganap ang paglipat ng ilang leaders ng Pil-Am sa partido ni Obama na dating sumusuporta kay McCain.

Balita rito na kahit na daw hindi naging solid kay Obama ang mga Pinoy may plano pa rin ang bagong Pre­sident na mag-appoint ng Pil-Am sa mahahalagang posisyon sa kanyang administrasyon. Hindi raw malaman kung saang state manggagaling ang Pil-Am na pipiliin ni Obama. Im­por­tanteng posisyon sa gobyerno raw ang ibibigay dito. Ma­aaring sa Chicago-Illinois pumili si Obama dahil tagarito siya.

Noong panahon ng kam­panyahan, sinasabing makiki­nabang daw ang mga Pilipino kung si Obama ang ma­na­nalo dahil sanay ito sa Asians. Ipinanganak si Obama sa Hawaii at lumaki sa Indonesia. Malapit sa puso ni Obama ang Pilipinas na kapitbahay lamang ng kan­yang bansang kinalakihan.

Sabi ng mga Pinoy, ma­ganda raw ang mga programa ni Obama. Makikinabang hindi lamang ang Pil-Ams kundi pati mga kababayan sa Pilipinas. Dito malalaman kung naiiba ngang pulitiko si Obama.

Show comments