PARA akong bagong reporter ulit noong Biyernes. Sa gitna ng mga nagmamartsang mga contingent sa interfaith rally ay palipat-lipat ako, patakbu-takbo sa iba’t ibang mga grupo: May mga negosyante, mga civil society na mayayamang kalaban ni Arroyo, mga estudyante, mga miyembro ng Simbahan. Akala nga ng ilan kasama ako sa rally at nagpoprotesta rin. Nakahahawa nga ang galit ng mga nagpoprotesta. Galit din ako. Pero bilang mamamahayag ay sinasampal ko ang sarili kong mukha sa loob ng aking isipan — “Hoy, reporter ka, hindi rallyista.” At nakahahawa man ang emosyon na nag-ipon sa gitna ng intersection na iyon sa Ayala Avenue ay naalala ko bigla yung kasabihang sinalinsalin na sa mga henerasyon: “Huwag basta pagkakatiwalaan ang iyong emosyon”.
Eh kasi naman — sa dinami-dami ng mga “bumubukol” na anomalya sa mga naaamoy at nauulat na pakana umano, o pinagkakitaan umano ng mga kaalyadong baluktot ng pamilya Arroyo, magagalit ka talaga. Pero ibang usapan nga iyong patutunayan sa korte. Ito yung galit dahil alam mo at ramdam mo sa buto mo, halata na, buko na — pero hindi mo mapapatunayang siyento porsiyento kung ibabase sa legal na batayan at proseso. Sabihin na nating gusto ko rin sana’y huwag na si Gloria Arroyo ang naging Presidente natin. Gusto ko siyang managot sa kanyang mga pakanang kasinungalingan at pinabayaang pag-nanakaw. Pero saan na ako pupunta ngayon sa aking mga hinaing? People power?
Heto na nga ako sa gitna ng People power. Ang daming tao! Tantiya ng PNP 15,000 lang ang dumating. Pero ang na-headline kinabukasan ay 75,000. Marami. Pero malayo ang dami sa EDSA 1 noong 1986 at EDSA 2 na may tantiyang 500,000.
Maraming pamilyar na eksena sa interfaith rally noong Biyernes. Parehong mga mukha, mas matatanda na lang ngayon, parehong mga grupo at magbabarkada, parehong mga kanta, bandila, kanta. Pero, marami ring mga pagkakaiba.
Gloria resign? Eh hindi nga raw siya magre-resign eh. Iyon ay isang malaking balakid at pagkakaiba sa EDSA 2. Kahit pa inabandona ng kanyang Gabinete, iniwan ng kanyang mga heneral sa AFP, tinalikuran ni Cory Aquino, inatake ni Car dinal Sin at pinagbitiwan ng posisyon ng kanyang Vice President na si Gloria Arroyo ay iyong “resignation” pa rin, ayon sa Korte Suprema noong 2001, ang naging basehan ng pagpalit ni Gloria Arroyo kay dating President Erap Estrada.
Iyon na lang kasi ang maaaring maging legal na pamantayan para mapalitan si Erap noon, ayon sa Saligang Batas ng 1987. Ang 1987 Constitution ay binunga naman ng unang EDSA Revolution noong 1986. Ano naman ang iba noong 1986 sa nangyayari ngayon? Well, unang-una ay pagtawag sa isang revolutionary government ang naganap noon nang nag-rebelyon na sina Juan Ponce Enrile, Col. Greg Honasan at Fidel Ramos at ang military ang naglagay kay Cory Aquino sa puwesto.
Ang pagkakaiba pati noon ay mayroong personalidad na pinatay nang lantaran — si Ninoy Aquino. Minsang may naghambing kay Ninoy at Jun Lozada. Kung si Cory daw ang mukha laban kay Marcos noon, si Jun Lozada raw ang pantapat kay Gloria Arroyo. Medyo malayo ang hirit ng hambing: Isang dalubhasang pulitiko at prinsipyadong oposisyon laban sa isang star witness na ayon sa iba: “Nagkataon lang na kumanta pero kasama rin sa dumi sa loob noong una”. Hindi ko minamaliit si Jun. Saludo ako sa kaniya.
Ang sa akin lang ay pag-aanalisa kung bakit tila pagkatapos ng isang ga-higanteng rally tulad noong nakaraang Biyernes ay tila wala pa ring sagot sa tanong: “Pagkatapos nito, ano na?”
(Itutuloy)