Pagiging asin at ilaw

BILANG mga tagasunod ni Jesus, tayo ay may misyon. Ang misyong ito ay ibinigay sa atin nang tayo’y binyagan. Ang ating misyon ay ang papaghariin ngayon si Jesus sa mundo. Tahasan tayong tinutukoy ni Jesus sa pamamagitan ni Mateo (Mt. 5:13-16).

"Kayo’y mga asin sa sanlibutan. Kung mawalan ng alatang asin, paano pang mapananauli ang alat nito? Wala na itong kabuluhan, kaya’t itinatapon na lamang at niyayapakan ng mga tao.


"Kayo’y ilaw ng sanlibutan. Hindi maitatago ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng burol. Walang nagsisindi ng ilaw at naglalagay nito sa ilalim ng takalan. Sa halip ay inilalagay ito sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. Gayon din naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao, upang Makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin ang inyong Amang nasa langit."

Alam ng lahat ang kahalagahan ng asin.Ito ang nagbibigay ng lasa sa pagkain. Walang lasa ang pagkain kung walang asin. Ang asin ay ginagamit din upang di-kaagad mapanis ang pagkain. Ang karne ay di magtatagal. Subalit kapag ito’y nilagyan ng asin, ilang araw din itong tumatagal. Nang sabihin ni Jesus sa kanyang mga alagad na sila’y asin ng mundo, sinasabi niya sa kanila na dapat nilang lagyan ng lasa ang mundo – ang ibig sabihin, magkaroon ng isang pamumuhay na matapat sa Diyos at mapaglingkod sa kapwa. Sa gayon, magkakaroon ng halaga ang kanilang buhay.

Tungkol naman sa ilaw, sinabi ni Jesus na siya ang ilaw o liwanag ng mundo. Ang katotohanan ay nagniningning sa kanya. Ang mga tao’y nagagabayan ng kanyang liwanag. Sinasabi ni Isaias na tayo’y mga taong nasa kadiliman. Hindi natin alam kung saan tayo pupunta. Si Jesus na ating ilaw ang nagpapakita sa atin ng daan patungo sa Ama. Kasama si Jesus na ating liwanag at halimbawa, natatalos natin ang ating misyon at ang ating patunguhan.

Show comments