Isang patunay na hindi na ganap ang pagtugis ng military sa mga terorista at walang maipakitang katibayan na kaya nila, ay ang sunud-sunod na pagkakatakas ng mga babaing hostages ng Abu Sayyaf. Noong Abril ng kasalukuyang taon, nakatakas ang dalawang babaing bihag at makalipas ang isang buwan, nakatakas din ang dalawa pang babae. Ang mga hostages ay mga miyembro ng Jehovahs Witnesses. May isang taong naging bihag ang mga babae bago nagawang nakatakas sa mga mamamatay-taong Abu Sayyaf.
Walang nagawa ang military kundi hintayin ang pagtakas ng mga kawawang babae. Kung hindi pa gumawa ng paraan ang apat baka nasa kamay pa sila ng mga mamamatay-tao. Walang awa kahit sa mga babae ang Abu Sayyaf. Tinatapyasan nila ng suso saka pinapatay ang mga babae.
Kamakalawa, isang babae na namang hostage ang nakatakas sa Abu Sayyaf. Walang nagawa ang military kundi salubungin si Gertrudes Tan, 50, makaraang makatakas. Nilansi ni Tan ang kanyang mga captors at nagawang makatalilis. Sa pamamagitan ng isang maliit na plastic jug, nagpalutang-lutang sa dagat hanggang masagip ng mga mangingisda.
Isang malaking katanungan kung bakit hindi masugpo ng military ang Abu Sayyaf. Kulang sa armas, kasanayan o sadyang walang interes na tugisin para sila durugin? Nasa gitna ng kontrobersiya ang Armed Forces of the Philippines makaraang akusahan ng corruption ng mga rebeldeng sundalo. Nagbebenta umano ng mga baril at bala ang AFP sa MILF at Abu Sayyaf. Kung kakulangan sa armas na pangsagupa ang dahilan kung kaya hindi madurog ang Sayyaf, maaaring corruption nga ang dahilan.
Marami nang taning na ibinigay si President Arroyo sa mga terorista subalit hanggang ngayon, nakatayo pa rin ang mga "uhaw sa dugo". Walang nakaaalam kung kailan madudurog sapagkat naaagaw ng ibang problema ang military.