"Ano ang magandang hangin at napadalaw ka, Mang Asiong?"
"Dadalo ako sa seminar ng samahan ng magsasaka, Doktor."
Pinaupo ko siya sa silyang nasa harap ng aking mesa.
"Inagahan ko ang parito dahil gusto ko kayong sangguniin tungkol sa problema sa aming barrio. Ito ay tungkol sa lumalaganap na pagtatanim ng marijuana. Pati nga ang pamangkin ko ay nahihikayat na. Kasi malaki raw ang kita. Ano ba ang maaari nating gawin?"
Nag-isip ako ng sandali.
"Dapat Mang Asiong ay palitan ang marijuana ng ibang tanim na malaki rin ang kikitain. Halimbawa ay ang bagong variety ng kamatis na tumutubo kung tag-ulan. Malaki ang kikitain dito."
"Magaling! Sige tutuloy na ako at imumungkahi ko sa mga taga-nayon na kamatis ang itanim kaysa marijuana."
Nang palabas na si Mang Asiong ay pahabol ko, "Padalhan mo ako ng ilang talbos ng marijuana. Gusto kong nguyain at tikman kung may epekto talaga."
Lumipas ang apat na buwan at wala akong nabalitaan kaya binisita ko si Mang Asiong sa baryo.
"Ano ang nangyari sa marijuanang pinalitan ng kamatis?" tanong ko kay Mang Asiong.
"Malaking disgrasya Doktor!" sagot niya.
"Bakit?"
"Nagtanim nga ng kamatis pero sa pagitan ng marijuana kaya nadoble ang kita. Pero mayroon ding magandang balita."
"Ano iyon?"
"Huminto na ng pagtatanim ng marijuana dahil nahuli sila ng pulis!"
"E iyong bilin kong talbos ng marijuana, Mang Asiong?"
"Kalimutan mo na, Doktor. Sinubukan ko pero walang epekto sa akin nang nginuya ko. Nanigas lang ang aking panga."