Pacquiao-Arum hindi pa F.O.
MANILA, Philippines – Mananatili ang pagkakaibigan nina Bob Arum ng Top Rank Promotions at Manny Pacquiao sa kabila ng pagsosolo ng Filipino world eight-division king.
“Well, we’re still very friendly,” wika ni Arum. “We (Top Rank Promotions) will distribute the fight in the United States.”
Hahamunin ni Pacquiao si World Boxing Association welterweight titlist Lucas Matthysse ng Argentina sa Hulyo 15 sa Kuala Lumpur, Malaysia para sa unang international card ng kanyang MP Promotions.
Ang Top Rank ni Arum ang magbabahagi ng naturang laban sa US.
Ito ang unang laban ng 39-anyos na Senador matapos matalo kay Jeff Horn via unanimous decision at maisuko ang hawak na World Boxing Organization welterweight crown noong Hulyo ng nakaraang taon sa Brisbane, Australia.
Sinabi ni Pacquiao na kung sakaling matalo siya sa 35-anyos na si Matthysse ay tuluyan na niyang isasabit ang kanyang boxing gloves.
Nauna nang sinabi ng dati niyang chief trainer na si Freddie Roach na hindi mapagsasabay ni Pacquiao ang kanyang pagiging boksingero at Senador.
Ang resulta nito ay ang pagkatalo ni ‘Pacman’ kay Horn.
Samantala, naniniwala naman si Arum na tatalunin ni Jerwin Ancajas si Cebuano challenger Jonas Sultan para sa kanyang pang-limang sunod na pagdedepensa sa suot na International Boxing Federation super flyweight belt ngayon (Manila time) sa Tioga Sequoia Brewing Co. sa Fresno, California.
Sakaling manalo si Ancajas kay Sultan ay ihahanda na ng promoter ang dalawang susunod na laban ng tubong Panabo City sa Setyembre o Oktubre at sa Disyembre.
- Latest