2-day strike silat, nagpatrapik lang - DOTr
MANILA, Philippines — Nabigong maparalisa ng mga grupong Manibela at PISTON ang transportasyon sa Metro Manila at ibang panig ng bansa matapos ang isinagawang dalawang araw na transport strike, ayon sa Department of Transportation (DOTr) kahapon.
Sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na bigo ang naturang mga grupo na paralisahin ang transportasyon sa kanilang tigil-pasada at ang tanging tagumpay lamang na nagawa ng mga ito ay ang paglikha ng matinding traffic sa ilang lugar.
Ani Bautista, patunay lamang ito na tagumpay ang pamamaraang isinagawa ng pamahalaan laban sa naturang protesta.
“Government’s efforts to offset the two-day strike by transport groups Manibela and PISTON proved successful,” ani Bautista, sa sidelines ng 112th founding anniversary ng Land Transportation Office (LTO).
“They were successful in creating traffic. Pero we were able to prove that government is ready to address transport issues,” pahayag pa ni Bautista.
Dahil sa idinulot na trapiko, sinabi ni Bautista na maaaring maharap sa mga traffic violations ang mga jeepney drivers at operators na lumahok sa dalawang araw na transport strike nitong Lunes, Abril 15, at Martes, Abril 16.
Ito’y matapos na magdulot ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa ilang lugar ang ginawa nilang pagpuprotesta laban sa pagtatapos ng April 30 consolidation deadline, sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Dagdag pa ng transport chief, ang mga protesters ay maaaring “liable” o may pananagutan din sa mga traffic violations gaya ng “obstruction of traffic”.
Rerepasuhin aniya ng LTO, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Metro Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police (PNP) ang aksiyon ng mga protesters at aalamin ang mga kasalanang maaaring nagawa nila.
“Ang nakita namin ay obstruction which created traffic. Mayroon naman silang right na ipaglaban ang kanilang karapatan, pero ‘wag naman sanang maapektuhan ang travelling public,” paliwanag pa ng DOTr chief.
- Latest