3 opisyal ng DPWH-Davao, sinibak sa puwesto
MANILA, Philippines — Tatlong opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Davao City ang sinibak sa puwesto ni Secretary Vince Dizon sa gitna na rin nang isinasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa maanomalyang flood control projects sa lungsod.
Kabilang sa mga sinibak sa puwesto ay sina Davao District Engineer (DE) Richard Ragasa, Assistant District Engineer Lilibeth Sarmiento, at Construction Chief Roberto Mamaril na kabilang sa 12 opisyal na DPWH na pinakakasuhan ng NBI sa Department of Justice (DOJ).
“Sila ‘yung mga kasama sa mga iniimbestigahan ng NBI na dinala nasa DOJ at Ombudsman involved sa kasong finile ng NBI regarding flood control projects in Davao, ‘yung mga involved sa alleged anomalies sa Genesis88 sa Davao”, wika ni Dizon.
Samantala, tinanggal din ni Dizon sa puwesto si Engr. Roberto Catingub, construction chief ng Cebu 4th District dahil naman sa umano’y extortion sa mga kontratista.
Ani Dizon, nagpapairal siya ng one-strike policy sa departamento, kung saan ang mga opisyal at tauhan ng DPWH na masasangkot sa anomalya ay kaagad na tatanggalin sa puwesto.
- Latest

















