Ginto sa vault, floor exercise target ni Caloy
MANILA, Philippines — Puntirya ni Paris Olympics double gold medalist Carlos Yulo na masungkit ang dalawang gintong medalya sa vault at floor exercise sa 2026 FIG Artistic Gymnastics World Championships na ginaganap sa Rotterdam, Netherlands.
Pasok sa finals si Yulo sa dalawang naturang events matapos ang qualifying round noong Linggo ng gabi.
Nasikwat ni Yulo ang ikalawang puwesto sa floor exercise matapos magtala ng 14.500 puntos habang ikaanim naman ito sa vault tangan ang 14.266 puntos.
Nakatakda ang finals sa floor exercise sa Oktubre 24 habang idaraos naman ang finals sa vault sa Oktubre 25.
Sa kabuuan, nakalikom si Yulo ng 77.631 puntos sa individual all-around para magkasya lamang sa ika-34 puwesto.
Ang Top 8 gymnasts sa bawat apparatus ang nakapasok sa finals habang ang Top 24 naman ang aabante sa finals ng all-around.
Nagrehistro si Yulo ng 14.166 sa parallel bars habang may 11.166 puntos ito sa pommel horse, 10.766 sa horizontal bar at 13.033 sa still rings.
Target ni Yulo na madepensahan ang korona nito sa vault na napanalunan nito noong 2025 edisyon ng World Championships na ginanap sa Jakarta, Indonesia.
- Latest

















