700K yosi nasabat sa ‘Oplan Megashopper’

MANILA, Philippines — Nasabat ng mga ahensiya ng gobyerno ang halos 700,000 piraso ng iligal na sigarilyo na tatak Carnival sa Luzon sa loob ng dalawang buwang kampanya.
Base sa mga pagsalakay sa ilalim ng “Oplan Megashopper” ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at iba pang ahensiya, nabatid na kilala ang Carnival bilang iligal na tatak ng sigarilyo sa merkado. Nagsimula ang operasyon noong Hulyo sa Quezon City, kung saan naaresto ang isang 29-anyos na online seller at nasamsam ang 20,000 piraso ng Carnival. Nasundan ito ng Bamban, Tarlac 37,000 piraso; Cavite, 50,000 piraso; San Simon, Pampanga, 520,000 piraso ng Carnival Menthol; Orion, Bataan, 10,000 piraso ng Carnival; Dinalupihan, Bataan 20,000 piraso at Angeles City, 22,000 piraso ang nasabat.
Inihahanda na ang mga kasong kriminal laban sa lahat ng mga suspek. Haharapin nila ang paglabag sa mga batas gaya ng Tobacco Regulation Act of 2003, Graphic Health Warning Act, Intellectual Property Code, at iba pang batas laban sa smuggling at economic sabotage.
- Latest
















