Babaeng police asset tinaniman ng 2 bala sa ulo
MANILA, Philippines — Isang babae na umano’y police asset, ang patay nang barilin sa ulo ng dalawang ulit ng hindi pa kilalang salarin sa Sta. Cruz, Manila kahapon ng madaling araw.
Kinilala lamang ang biktima sa alyas na “Enang”, 27, ng Bambang St., habang nakatakas ang salarin na inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), pasado ala-1:00 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa Lope De Vega St., sa Sta. Cruz.
Ayon sa mga saksi, nakarinig na lang sila ng dalawang putok ng baril at nadatnang nakabulagta ang biktima.
Dalawang tama umano ng bala sa ulo na tumagos pa sa kanyang kaliwang mata ang agarang ikinamatay ng biktima. Nabatid na sira ang CCTV sa lugar kaya’t hindi nakuhanan ang pangyayari.
Gayunman, hinala ng mga awtoridad na posibleng nakatalikod ang biktima nang pagbabarilin ng salarin.
Ayon naman sa opisyal ng barangay, na tumangging magpabanggit ng pangalan, hindi nila residente ang babae, pero madalas umano itong tumatambay sa naturang lugar.
- Latest























