MANILA, Philippines — Himas-rehas ngayon ang isang drug suspect na babae makaraang makuhanan ng higit P183,000 halaga ng shabu sa isinagawang drug buy-bust sa Quezon City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Redrico A Maranan ang suspek na si Laila Taup, 47 , residente ng Brgy. Central Diliman, Quezon City.
Ayon sa report ng QCPD-District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pamumuno ni PMaj. Wennie Ann A Cale at pakikipag-ugnayan sa PDEA, RO-NCR, ikinasa ang buy-bust operation dakong ika-12:00 ng madaling araw, May 9, 2024, sa panulukan ng Dahlia St. at Agham Road, Brgy. Central Diliman, Quezon City.
Bago ito, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba tungkol sa ilegal na gawain ng suspek.
Agad na bineripika ang impormasyon hanggang sa plinano at pumuwesto na ang mga operatiba.
Nakuha mula sa suspek ang 27 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P183,600.00, isang coin purse, at ang buy-bust money na ginamit sa transaksyon.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri naman ni Maranan si Cale at mga tauhan ng DDEU sa walang tigil na operasyon laban sa iligal na droga.
“Binabati ko ang DDEU sa tagumpay na ito. Sa Ating mga QCitizens, patuloy nyo sanang suportahan ang kapulisan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon na makakatulong sa mga police operations. Asahan po ninyong mas lalo pa naming paiigtingin ang aming kampanya kontra sa iligal na droga para maprotektahan ang ating mga kababayan,” dagdag pa ni Maranan.