Sunog sumiklab sa Manila at Taguig: 41 bahay natupok

Umakyat na sa mga bubong at sinubukang tumulong ng mga residente na apulahin ang sunog na sumiklab sa mga kabahayan sa Gate 52, Parola Compound, Binondo, Manila kahapon.
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Maraming pamilya ang nawalan ng tirahan matapos na matupok ang mga kabahayan sa magkasunod na sunog sa Manila at Taguig City kahapon.

Sa ulat ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), dakong alas-12:11 ng hapon nang sumiklab ang sunog sa Gate 54-56 ng Parola Compound, na sakop ng Binondo sa lungsod. Umabot ito ng ikatlong alarma bago tuluyang naideklarang under control dakong alas-12:53 ng hapon. Tuluyan naman itong naapula dakong ala-1:32 ng hapon.

Tinatayang aabot sa 30 bahay na pawang gawa sa light materials ang natupok sa sunog sa Parola Compound. Gayunman, walang iniulat na nasawi o nasugatan sa insidente.

Nauna rito, tinatayang nasa 15 pamilya rin ang nawalan ng tirahan sa sunog sa Barangay Fort Bonifacio Zone 3, Taguig City.

Sa ulat, alas-10:38 ng umaga nang magsimula ang sunog na umakyat sa ikatlong alarma bago idineklarang fire-out bago mag-ala 1:00 ng hapon,  ayon Bureau of Fire Protection-Taguig.

Nasa 11 kabahayan naman ang natupok  na pawang yari lamang sa light materials at magkakadikit.

Sinabi ni Fire Senior Inspector Demetrio Sablan, sugatan nang mahiwa sa yerong bubungan ang kamay ng isang bumbero.

Sa inisyal na pagtaya, posibleng ang uminit na electric fan ang sanhi ng apoy.

Nanlumo naman ang isa sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog nang ‘di naisalba ang inutang na P300,000 na ipambibili sana ng jeeney para ipanghanapbuhay. Ang pera na naka-bundle ay nakasalansan ng tig-P1,000 bills at nasunog ang magkabilang dulo nito.

Nitong Lunes lamang umano nakuha ng isang Mark Joseph Pede ang na-loan na pera at kahapon ay naghahanapbuhay siya kaya wala sa bahay nang maganap naman ang sunog.

Show comments